MANILA, Philippines - Matitikman na ang katakam-takam na mga putaheng tampok sa Junior Master Chef Philippines (JMC) sa Pancake House, ang restaurant na pinagkalooban ng karapatan ng ABS-CBN Licensing.
Matatandaang napabilib ng mga kalahok sa nasabing kumpetisyon ang mga hurado dahil sa kanilang murang edad, nakapaghanda sila ng mga masasarap at pang-chef na mga putahe.
Umpisahan ang masarap na kainan sa masustansyang Cabbage Lumpia in Coconut Breading. Para sa malutong na lumpia, nilamanan ang repolyo ng tostadong tinapay.
Masustansiya rin at malaki ang serving ng JMC Philippines dish sa main course. Ang Fish Burger na nasa ibabaw ng Brown Rice Pilaf na may malunggay sauce at caramelized na luya ay talagang kapana-panabik at maaring ibahagi sa buong pamilya.
Para naman sa mga mahilig sa twist, subukan ang Pinoy na Pinoy na Rice in Ampalaya Silog at Porksilog steak. Kumpletuhin din ang veggie experience sa Tofu Eggplant Salad na handog ng mga Kiddie Cooks.
Hitik din ang putaheng Baby Back Ribs na may Warm Bacon Potato Salad at mais, na talagang swak na swak sa mga biyahero.
Ang ABS-CBN Licensing ang siyang kumakatawan sa Shine International na siyang nagmamay-ari sa prankisa ng Master Chef.