Mr. Felipe Gozon game sa P500 B na offer!

“Kung P500 billion, katulad nang sinasabi, ibebenta ko right now. Kung may mag-o-offer ng P500 billion, kahit tulog ako, gisingin ninyo lang ako, I will sell. Pag below that, medyo iisipin ko muna,” sagot ni Mr. Felipe Gozon, CEO-President ng GMA 7 tungkol sa pumutok na issue na nagkaroon ng negotiations sa pagitan nila ni Mr. Manny Pangilinan tungkol sa bilihan ng kanyang pag-aaring network, nang humarap siya sa ilang entertainment press kahapon over lunch kasama ang mga executives ng Kapuso Network.

Bukod sa nasabing issue inamin din ni Mr. Gozon na mas mababa ang kita nila sa natapos na taon kum­para noong mga previous years.

Pero nang tanungin siya kung gaano sila kayaman : “Kung sa yaman, matagal na ka­ming mayaman, we don’t brag about it anymore. Although last year, it has been admitted na medyo mababa ang net income namin compared to previous years.

Isa sa rason na ibinigay niya ay : “Ang political ads namin for 2010 were more than P2 billion. Nag-increase kami ng regular advertising revenues, but if you consider the P2 billion, we had a shortfall of about P1 billion, kung wala yun, nag-increase kami ng P1 billion,” sabi niya.

Nabanggit din niya sa nasabing tsikahan na kasalukuyang on going ang negotiations ng contract para kina Carla Abellana at Iza Calzado na pawang mag-e-expire na ang contract sa kanila.

Ang sabi ni Mr. Gozon ayaw muna niyang ma-preempt ang negotiations with Iza kaya ayaw niyang magbigay ng detalye.

Si Ms. Wilma Galvante naman ang nagsabi na walang project si Carla sa first quarter of 2012 dahil may existing work ito, Kung Aagawin Mo Ang Langit.

Pero nang tanungin si Mr. Gozon tungkol kay Claudine Barretto kung masaya ba sila na kinuha nila si Claudine, ngiti lang ang sagot niya. Balitang lilipat na rin ang aktres sa TV5 pag-expire ng contract nito sa GMA 7.

Samantala, he also confirmed na nai-demanda na nila si Mo Twister dahil idinamay sila sa issue ni Rhian Ramos. “May demanda nang naghihintay sa kanya pagbalik niya ng bansa,” sabi ni Mr. Gozon. “And I have to repeat what I’ve said. What he did is very ungentlemanly, to say the least.”

 Nang may magtanong kung anong plano nila para kay Rhian. “Kami ba dapat ang magplano ng buhay niya? ‘Di ba dapat siya. Masyadong personal ang nangyari sa kanila. But she’s welcome. She’s welcome anytime she feels like getting back to work. Wala namang problema sa amin,” sagot ng bossing ng GMA 7.

Nasa pelikulang My Kontrabida Girl si Rhian with Aljur Abrenica pero balitang hold din ito dahil sa grabeng intrigang pinagdaanan ng actress.

Anyway, ipinasilip kahapon ang mga bagong programa ng GMA para sa first quarter ng taon.

Nangunguna sa listahan ang drama series na Legacy na pinagbibidahan nina Heart Evangelista, Alessandra de Rossi, and Lovi Poe with Geoff Eigenmann, Mike Tan and Sid Lucero under the direction of Jay Altarejos. Magsisimula itong mapanood sa January 16.

Susunod ang Biritera starring Dennis Trillo with Glaiza de Castro and Angelika Dela Cruz. Sa February 6 ito magpi-premiere.

Valentine offering nila ang balik-tambalan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera – February 13. Mukhang exciting sa trailer pa lang.

Sunod ang Broken Vow na pangungunahan nina Luis Alandy at Bianca King with Gabby Eigenmann and Rochelle Pangilinan. Sa hapon sasabak ang Broken Vow na mag-uumpisa sa February 6.

Kasama rin sa mga bagong programa nila ang The Good Daughter na bida sina Kylie Padilla at Rocco Nacino.

Also in the offing is Hiram na Puso, isang family drama series na pinangungunahan nina Kris Bernal, Polo Ravales, Bela Padilla, and Mark Herras.

At para kumpletuhin ang upcoming dramas sa kanilang afternoon block ay ang Alice Bungisngis and Her Wonder Walis headlined by Tween stars Bea Binene, Jake Vargas, Derrick Monasterio, and Lexi Fernandez.

Lahat original ang mga nasabing drama series na naisip nilang gawin matapos kagatin ng publiko ang Amaya at Munting Herredera.

Show comments