Guaranteed contract pa, aktres bibigyan ng executive position sa lilipatang network

Kahapon ang schedule ng meeting ng isang TV at movie personality sa bossing ng network na kanyang iiwan para lumipat sa ibang network. Pakikinggan ng TV personality ang offer ng network, pero parang hindi na magbabago ang desisyon nitong sa ibang network naman magtrabaho.

Saka, naka-oo na ang TV at movie personality sa offer ng ibang network, kaya ang next show niya ay doon na at hindi sa network na matagal din niyang pinagtrabahuhan. Hindi pa namin ito natatanong kung totoo ang tsika na bukod sa show, guaranteed contract ang ibibigay sa kanya plus an executive position na hindi naibigay ng network na matagal niyang pinagtrabahuan.

Ayaw pang ipasulat ni TV at movie personality ang kanyang paglipat dahil may umeere pa siyang show sa iiwang network. Pero may mga pahiwatig na ito sa kanyang mga tweet. Gaya ng “See you soon” sa talent ng network na kanyang lilipatan.

Ang alam namin, may tinanggap na project si TV at movie personality sa sister company ng network na kanyang iiwan, matuloy pa kaya ito?

 

Sen. Bong at Gov. ER tutuhuging idirek ni Rico Gutierrez

Nabasa namin ang tweet ni Direk Rico Gutierrez na may gagawin siyang dalawang pelikula this year. Ang isa’y pagbibidahan ni Sen. Bong Revilla at ang isa’y pagbibidahan ni Laguna Gov. ER Ejercito. Dahil wala itong binanggit na detalye, hindi namin alam kung anong projects ang mga ito.

Hindi naman siguro ang El Presidente ni ER ang tinutukoy ni Direk Rico dahil nabanggit ni ER na si Tikoy Aguiluz pa rin ang gusto niyang magtapos sa pelikula.

Curious kami sa project ni direk Rico kay Bong, pang-2012 MMFF kaya ito dahil one movie a year na lang kung gumawa ang senador. Ang Panday 3 ay sa 2013 MMFF pa raw, ibig sabihin, ibang project ito.

Kelan kaya itutuloy ni Direk Rico ang RAN na matagal nang nakaplano at si Richard Gutierrez pa nga ang nabalitang magbibida nito.

Maraming action stars hindi na kilala ng mga tao

Pinakita ang trailer ng Hitman ni Cesar Montano nang manood kami ng Asiong Salonga at positive ang reaction ng viewers at inalam kung kailan ang showing ng movie na co-produced yata ng Viva Films at CM Films ni Cesar Montano.

Feeling namin na-miss ng tao ang action films, kaya tama lang na after Asiong Salonga ni Gov. ER Ejercito, ang Hitman ni Cesar ang next action movie na kanilang mapapanood.

Napapanahon na ring ibalik ang action movies dahil hindi na kilala ng tao ang ibang action stars at puro “sino ‘yun” ang nadinig namin habang nanonood ng Asiong. Konti lang ang kilala ng tao sa cast ng movie at ‘yung mga bago na lang ang knows nila.

Carla pahulaan pa kung ire-renew ng GMA 7

May cameo si Carla Abellana sa Legacy bilang endorser at image model ng Tala soap na negosyo ng pamilyang mag-aaway-away dahil sa­ mana. Nang ma-interview sa taping ng Kung Aagawin Mo ang Lahat, masaya ang aktres sa kanyang cameo, pero wala yatang eksena na magkikita sila ng BF na si Geoff Eigenmann na isa sa male lead ng soap ng GMA 7 na magpa-pilot sa January 16.

Wala pa ring alam na next project sa Channel 7 si Carla after KAMAL at hindi niya alam kung bibigyan pa siya ng project dahil hindi pa alam kung ire-renew ang kanyang kontrata. Waiting pa raw sila ng manager niyang si Arnold Vegafria sa plano ng network sa kanya.

Pero nabanggit nitong hindi makakaapekto sa relasyon nila ni Geoff sakaling lumipat siya ng ibang network at maiwan sa Channel 7 ang BF. Ito ay kung hindi siya ire-renew ng Kapuso Network.

Show comments