Fashion designer tahimik na namaalam!
Wala kaming kaalam-alam na sumakabilang-buhay na pala ang isa naming malapit na kaibigan, ang fashion designer na si Boying Eustaquio na nalaman lamang namin sa pamamagitan ng column ng aming common friend na si Rey Pumaloy.
Inatake sa puso si Boying nung umaga ng December 28 at nakuha pa nitong magpadala sa St. Luke’s Hospital sa may E. Rodriguez sa Quezon City dahil sa paninikip ng kanyang dibdib. That same day, binawian ng buhay ang mabait naming kaibigan. Unfortunately, ang maaga niyang pagpanaw ay hindi nakarating sa kanyang mga kaibigan.
Ibinurol siya nung December 29 sa Manila Memorial Park sa Sucat, Paranaque at inilibing nung December 31 sa Pateros. Kung gaano katahimik si Boying sa tunay na buhay, ganundin katahimik ang kanyang paglisan.
Boying, mami-miss ka namin.
Star Cinema namayagpag sa 2011
Sa pagpasok ng 2012 ay marami ang umaasa na mas magiging maganda ang taong ito hindi lamang sa ekonomiya ng ating bansa kundi lalung-lalo na sa showbiz. Unti-unti na namang pumi-pick-up ang mga locally produced movies kaya inaasahan ang pagdami pa ng mga pelikula sa taong ito. Kahit hindi madalas mag-produce ng pelikula ang OctoArts Films ni Orly Ilacad nakatatlo ito last year, ang Wedding Tayo, Wedding Hindi with two other co-producers, ang mega-hit na Enteng ng Ina Mo nina Vic Sotto at AiAi de las Alas na co-production ng Star Cinema, M-Zet Films, APT Entertainment at OctoArts Films at ang My Househusband ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo na solo production ng OctoArts.
Star Cinema ang may pinakamaraming pelikulang nagawa last year na sinusundan ng Regal Films. Nakagawa rin ng ilang movies ang Viva Films in co-production with Star Cinema.
Mas malaki talaga ang advantage ng isang film company kung ito’y nakikipag-alyansa sa film outfit na may TV network tulad ng Star Cinema at GMA Films.
Halos lahat, if not all ng mga pelikulang produced ng Star Cinema ay tumatabo sa takilya dahil bugbog ang movie trailers sa mga programa ng Dos. Bukod pa siyempre sa live guestings ng mga stars ng pelikula sa iba’t ibang programa nila.
Eugene at Vice humataw din last year
Pumalo nang husto ang career ng dating stand-up comedian turned TV host-actor na si Vice Ganda last year. Bukod sa pagiging mainstay ng Showtime kung saan siya unang nag-shine, pinagkatiwalaan din siya ng Viva Films ng kanyang launching flick, ang remake ng Petrang Kabayo na unang pinagbidahan ni Roderick Paulate. After Petrang Kabayo, binigyan siya ng follow-up movie, ang Praybeyt Benjamin na sumira ng box office record ng mga naunang pelikula.
Bukod sa Showtime, nung isang taon din nagsimula ang kanyang lingguhang programa, ang Gandang Gabi Vice na isa sa mga top-raters sa araw ng Linggo.
Tulad ni Eugene Domingo na patuloy sa pamamayagpag, si Vice Ganda was really destined na maging major star dahil na rin sa kanyang angking talino. Sa totoo lang, malayo na talaga ang narating ng dating alaga ng ating kasamahan na si Ogie Diaz.
- Latest