MANILA, Philippines - Taos-puso ang pasasalamat ni Sen. Bong Revilla sa mga nanood ng pelikula nilang Panday 2.
Sa mga magagandang reviews at mga papuring tinatanggap ng Panday 2, nagpahayag ng kasiyahan ang bida nito. “Ako ay nagpapasalamat sa mga nanood ng ipinagmamalaki naming pelikula na aming pinaghirapan at pinaglaanan ng panahon. Nakakataba ng puso na nakapagpasaya kami ng mga tao at nakapagbigay ng ngiti sa mga bata,” sabi ni Sen. Bong.
Kung sabagay, pinamamalas lang nito na sulit ang bawat hirap at pagod na dinanas ng cast at production ng pelikula na halos isang taon nilang ginawa.
At imbes na i-celebrate at i-promote ni Senator Bong ang tagumpay ng kanyang pelikula, mas pinili nito ang bumalik kahapon sa Cagayan de Oro at Iligan para makapaghatid ng tulong at magbigay pag-asa sa ating mga kababayang nasalanta ng bagyong Sendong.
Samantala, milyun-milyong manood naman ang pumila at nakipag-unahan para mapanood ang pinaka-engrandeng pelikula ng 37th Metro Manila Film Festival, Ang Panday 2. Kaya naman sa unang araw ng festival, nakapagtala ang nasabing pelikula ng tumataginting na 29M total tickets sales
. Pinatutunayan lang nito na Ang Panday 2 ay isa sa mga pelikulang pinipilahan at isang matibay na contender para sa MMFF box office.
Palabas pa rin Ang Panday 2, official entry ng GMA Films at Imus Productions sa 37th Metro Manila Film Festival, sa higit sa isang daang sinehan sa buong Pilipinas.