MANILA, Philippines - Mamamaalam na ang Taong 2011 at sa pagpasok ng Taong 2012 ay punum-puno ng bagong pag-asa at bagong dasal na ito’y mas maging manigo, masagana at maligaya lalo na’t ilang kalamidad ang dinanas tulad ng magkakasunod na bagyo, patayan, sunog, aksidente, atbp.
Tutukan ang Life And Style With Gandang Ricky Reyes ngayong Sabado alas-diyes ng umaga sa GMA News TV dahil may interbyu rito ng mga artista tungkol sa mga pagbabagong gusto nilang gawin sa sarili, karera at sa Inang Bayan.
Ipakikita rin ang Bahay Pag-asa na nagkaroon ng inagurasyon kamakailan sa Mandaluyong City na dinaluhan ng mga miyembro ng Metro Manila Mayors Spouses Foundation, Ricky Reyes Foundation, DSWD Juvenile Justice and Welfare Council officers, Ms. Wilma Galvante ng GMA 7, mga miyembro ng media at ng guwapong actor na si Dingdong Dantes. Di maglalao’t marami pang BP ang itatayo sa Metro Manila na ang makikinabang ay mga kabataang edad 17 pababa na nadakip na gumagawa ng iba’t-ibang krimen sa murang gulang.
“Nabuo namin ang proyektong BP para sa mga batang lumabag sa batas, nadakip, dinala sa DSWD pero tumatakas at muling gagawa ng kasalanan. Kulang sila sa pagmamahal ng mga magulang at walang nagtuturo sa kanila ng mga dapat gawin sa buhay. Di lang tuluyan ang BP. May training dito para sa pangkabuhayan. May regular ding counseling mula sa mga child psychologist at psychiatrist,” sabi ni Mader Ricky.
Nag-donate naman ng personal computers si Dingdong. “Techie na ang mundo kaya ito ang naisip kong ibigay sa mga nasa BP. Sa matututuhan nila’y madali silang makahahanap ng trabaho at mababago ang buhay,” ani machong boyfriend ni Marian Rivera.
Abangan din sa programa ang mga bagong dental procedure nina Dr. X at Dr. Y, ang ating dynamic dental duo sa segment na Doc Smiley.