Sa sobrang dami ng trabaho, Coco nawalan ng oras sa pamilya

Ngayong bagong taon ay gusto lamang makapagpahinga ni Coco Martin sa bahay kasama ang kanyang pamilya. Ito kasi ang tamang panahon upang makapag-relax mula sa sunud-sunod niyang mga proyekto.

“Bahay lang, magpapahinga, and siguro magtutuon ng time para sa family. Sana ma-manage ko ’yung time ko sa work at sa family kasi sa sobrang pagiging busy nawawalan ako ng time sa family,” pahayag ni Coco.

Excited na rin ang aktor dahil malapit nang mapanood ang kanilang teleserye na Walang Hanggan. Ayon kay Coco ay kaabang-abang talaga ang nasabing serye.

“Excited kasi alam namin kung gaano namin pinaghirapan itong proyektong ito. First time kong makakasama sina Richard Gomez, Dawn Zulue­ta, Susan Roces, at Helen Gamboa. Talagang nakaka-in love ito eh, paiinlabin kayo nitong soap opera na ito,” paglalahad ng aktor.

Angeline hindi Nawawalan ng biyaya

Naging matagumpay si Angeline Quinto sa kanyang career ngayong taon. Pagkatapos manalo sa Star Power ay nagkaroon kaagad ng album na nagkamit na rin ng platinum record award. Marami-rami na ring teleserye theme ang nakanta ng singer katulad ng Budoy, 100 Days to Heaven, at Maria La Del Barrio.

Ngayon ay isang pelikula naman ang ginagawa ng dalaga kung saan ay makakatambal niya si Coco Martin at ipalalabas ito sa susunod na taon. Masayang-masaya si Angeline sa lahat ng mga proyektong ipinagkakaloob sa kanya ng ABS-CBN.

“Siyempre po sobrang nagpapasalamat ako sa lahat ng taong tumulong sa akin para marating ko po ito. Sobra-sobra ’yung tiwalang ibinibigay nila sa akin lalo na ’yung pagkanta ko ng theme ng mga teleserye.

“Doon naman po talaga nag-umpisa ’yun kaya talagang pinagbubutihan ko ’yung mga ibinibigay nila sa aking trabaho,” pahayag ni Angeline.

Siya rin ang kumanta ng Kris TV theme. Ayon sa dalaga, ramdam na talaga niyang nagbubunga na ang lahat ng kanyang sakripisyo at paghihirap.

“Ramdam na ramdam ko po kasi tuwing gigising ako sa umaga biglang may panibagong project na naman. Sabi ko nga talagang napakabait sa akin ng Diyos kasi hindi ko naman po inaasahan na aabot ako sa ganito talaga,” dagdag pa ng singer.

Samantala, inamin din ni Angeline na mami-miss niya si Coco kapag natapos na ang kanilang pelikula.

“Nasanay din ako na madalas kaming magkasama at magkatrabaho pero maiintindihan ko naman ’yun kasi siyempre may kanya-kanya kaming trabaho. Sa totoo lang po malapit na siyang matapos. Sobrang excited na kami nina Coco at Direk Jerome Pobocan, sana abangan po ninyo,” imbitasyon pa ni Angeline.

Si Julia Montes ang makakapareha ni Coco para sa serye at pinaghandaan talaga niya ang kanyang role.-Reports from James C. Cantos

Show comments