PIK: Nagkagulo ang mga pasahero ng LRT (Light Rail Transit) mula sa Roosevelt station hanggang sa Baclaran nang mag-promote doon si Sen. Bong Revilla ng Panday 2 kahapon ng hapon.
Ideya ni Sen. Bong ang LRT tour na ginawa niya para lalo siyang mapalapit sa mga tao at mai-promote na rin ang kanyang pelikula.
Bumaba ito sa Blumentritt, Carriedo, at Baclaran at punung-puno ito ng mga tao at nagkagulo ang lahat nang makita nila si Sen. Bong kasama sina Phillip Salvador, Benjie Paras, at Alden Richards.
Hindi sila nagtagal sa bawat istasyon na binabaan nila dahil iniiwasan nilang mag-cause ng traffic sa kalye.
Tuwang-tuwa silang lahat dahil kakaibang experience ito sa kanila na mag-promote sa mga sumasakay sa LRT.
PAK: Marami ang nakasaksi sa pagwawala ng ina ng isang mestisang young star sa may basement na parking ng isang TV network.
Nagulat ang mga taong nandun sa baba nang magsisigaw itong nanay ni young star dahil naabutan niya ang kanyang anak sa loob ng kotse ni young actor na napabalitang boyfriend nito.
Hindi nagustuhan ng madir ang nakita niya sa loob ng kotse kaya nagwala at tinalakan ng husto ang dalawa lalo na si young actor.
Ang buong akala namin, botong-boto ang ina nitong young actress pero ngayon ay hindi na dahil sa mga nalalaman niyang ginagawa ng dalawa.
Hindi ko masulat kung ano ang ginagawa nila dahil wala naman ako sa pinangyarihan.
BOOM: Nalungkot ang Protégé grand winner na si Krizza Neri nang dumating ito sa Cagayan de Oro kahapon.
Hindi niya akalaing ganun katindi ang inabot ng mga kababayan niya na nasalanta ng bagyong Sendong.
Nalaman pa niyang may tiyuhin siyang namatay at pinuntahan niya ito. Hindi niya pinakunan sa media ang pagpunta niya sa lugar ng namatay niyang tiyuhin.
Kasama ni Krizza ang mentor niyang si Aiza Seguerra na tumulong din sa pagbibigay sa mga pangangailangan ng mga tagaroon.
Tuluy-tuloy pa rin ang pagdating doon ng tulong at karamihan sa mga artista ay involved na sa pagbo-volunteer at pagpapadala ng donasyon.