MANILA, Philippines - Naghahanda na ang parehong Team Wayuk ng Pinoy Big Brother UnliDay at Team High Voltage ng Pinoy Big Brother UnliNight para sa isang live back-to-back fund-raising concert para sa mga biktima ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro at Iligan.
Sa halagang P10,000 para sa isang VIP ticket, maaaring mapanood ang sing-and-dance performances ng housemates sa PBB eviction hall ngayong (Dec 23) sa Give Big Love: A Christmas Benefit Concert for the Victims of Typhoon Sendong.
Bukod sa pagkakawanggawa at pagtatanghal ng housemates, kasama rin sa VIP package ang hapunan, signed shirts ng housemates, meet-and-greet kasama ang ex-housemates, kopya ng audio at music videos ng Simpleng Pasko at Tayo ang Pasko, at ang pambihirang pagkakataong makapasok sa confession room ng PBB house at makausap si Kuya.
Para mag-reserve ng tickets at sa mga katanungan ukol sa concert, tumawag sa 415-2272 loc. 6306 hanggang ngayon mula 10:00 AM hanggang 6:00 PM at hanapin si Wecks Carpio.
Samantala, sa kabila ng pananatili sa industrial house ng limang linggo kasama ang Team Wayuk, naniniwala ang ex-housemate na si Mark Luz na mas matatag at mas malakas ang Team High Voltage pagdating sa tasks at Kontra Battles.
Matapos nga ng forced eviction ng ex-housemate na si Reg ay lubos na ang pagpapaalala ni Kuya sa housemates na iwasan ang paglabag sa house rules. Sa kabila nito, hindi pa rin naiwasan ni Mark na makipag-usap gamit ang hand signals at pagbubulong, na siyang naging mitsa sa pagpapalayas niya sa PBB house.