Pumirma na uli ng kontrata sa Kapamilya, KC naudlot ang paglipat ng network

Marami ang nagulat nang muling magpakita si KC Concepcion sa publiko na maiksi na ang kanyang buhok.

May mga nagsasabi na may kinalaman daw ito sa love life ng dalaga. Matatandaang nagbigay ng kanyang eksklusibong panayam sa amin si KC kamakailan sa The Buzz tungkol sa naging hiwalayan nila ni Piolo Pascual. Pansamantalang nawala ang mega daughter kaya marami ang nag-akala na posibleng lumipat na rin ng TV network si KC.

Pero noong Miyerkules ay muling pumirma ng kanyang kontrata sa Kapamilya network si KC. “Dito ako lumaki sa ABS-CBN so siyempre nandito pa rin ako and I’m so happy that I am still with ABS-CBN and that I have lined up projects January pa lang. Tumatalon talaga ako sa saya kasi punung-puno talaga ‘yung schedule from Monday, Tuesday, Wednesday, Thursday, Friday hanggang Sunday. Ako naman, workaholic din, natutuwa rin naman ako na I’m still with ABS-CBN and I’m very excited for the shows,” nakangiting pahayag ni KC.

“Nandiyan ‘yung Alta kasama sina Gretchen Barretto at Angelica Panganiban, ‘yun talagang matagal na naming pinaghahandaan. Ngayon official na official na, tuloy na tuloy na. Nandoon din ‘yung bagong iho-host na show, talagang gusto kong ituloy ang hosting ko. May mga pagbabago na malalaman n’yo rin very soon pero mostly positive talaga ‘yung mga mangyayari. Makikita n’yo ako sa ASAP every Sunday, natutuwa talaga ako kasi iba talaga ‘yung pakiramdam kapag official na, ‘yung nakapag-sign na talaga and alam mong pumapasok ka sa ABS-CBN, na dito ka,” dagdag pa ni KC.

Ngayon ay wala na ang dalaga sa pangangalaga ng Star Magic dahil lumipat na siya sa Viva Management ni Boss Vic Del Rosario.

Totoo kaya ang mga naglabasang balita na binalak talaga ni KC na lumipat ng network lalo pa’t Viva na ang namamahala ng kanyang career ngayon? “I’d rather not talk about it but I am very happy to be here and iba rin talaga ‘yung pakiramdam na may kontrata ka,” giit pa ni KC.

Naging sakitin kasi this year Cristine, magpapaka-health buff sa 2012

Naging matagumpay ang career ni Cristine Reyes ngayong 2011 kaya wala na raw siyang mahihiling pa.

Sa parating na taon ay mayroon daw siyang resolution dahil sa kanyang pagkakasakit at pagkaka-ospital kamakailan. “Magiging healthy na ako, kasi ngayong 2011, naging sakitin ako. Kasi medyo hinarass ko ang sarili ko,” pagtatapat ni Cristine. “So next year magiging health buff na ako. Pupunta na ako ng gym, kakain na ako ng right food at magpapahinga ako nang bongga. Hindi ako lalabas nang hindi kailangan,” dagdag pa ng aktres.

Hindi naman daw nangangahulugan na hindi na tatanggapin ng dalaga ang ilang mga proyekto para hindi na siya masyadong ma-stress at muling magkasakit. “Sa sarili ko lang ‘yon kasi minsan ang kinakain ko puro junk foods so magpapaka-healthy na ako this time,” dagdag pa niya.

Samantala, dito raw magpa-Pasko sa Pilipinas sina Cristine at boyfriend na si Rayver Cruz kasama ang kanilang mga pamilya.

Reports from JAMES C. CANTOS

Show comments