Nabalitaan ko na may problema sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang ilang eksena ng Yesterday Today Tomorrow, ang official entry ng Regal Entertainment, Inc. sa 2011 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Hindi pa masabi ng aking source ang eksena ng pelikula na hindi pumasa sa panlasa ng mga nag-review ng Yesterday Today Tomorrrow.
Ang source ko ang nagkuwento na maganda ang pelikula ng Regal kaya nag-enjoy siya sa panonood. Malakas ang laban ng Yesterday Today Tomorrow sa awards night ng MMFF sa Dec. 28.
Kasal nina Roman at Shalani, naiba ang petsa
May changes sa church wedding nina Congressman Roman Romulo at Shalani Soledad sa Jan. 22 pero ipapaubaya ko sa kanila ang announcement dahil sila naman ang magpapakasal.
Basta ang sigurado, hapon ang kasal ng dalawa at pabor ito sa mga invited guests, lalo na ’yung mga hirap gumising nang maaga.
Nalaman ko ang changes nang dalawin ko si Shalani sa studio ng Wil Time Bigtime noong Martes.
Hindi pa masabi ni Shalani kung kailan siya magbabakasyon sa hosting job niya dahil makikipag-usap at magpapaalam pa siya kay Willie Revillame.
Hindi ako sure kung matutuloy ang Christmas party ng mga host at production staff ng Wil Time Bigtime dahil narinig ko ang balita na balak nila na mag-donate sa mga nasalanta ng bagyong Sendong sa Mindanao.
My Kontrabida Girl tuluy-tuloy kahit masama ang panahon
Hindi natuloy ang shooting ko kahapon para sa My Kontrabida Girl ng GMA Films. As myself ang role ko dahil talent manager ako sa pelikula nina Rhian Ramos at Aljur Abrenica.
Nagluluksa ang buong Kapuso Network sa pagkamatay ng nanay ng butihing presidente ng GMA Network na si Mr. Felipe Gozon kaya saka na namin itutuloy ang shooting.
Nakikiramay kami sa pamilya ng ina ni Atty. Gozon.
Marian malaki ang tsansa sa Panday 3
Tiniyak ni Marian Rivera na panonoorin niya ang Segunda Mano, ang pelikula ng kanyang boyfriend na si Dingdong Dantes na kasali sa MMFF 2011.
Sure ako na tatangkilikin din ni Dingdong ang filmfest movie ni Marian, ang Panday 2. Dati, si Dingdong ang co-star ni Sen. Bong Revilla, Jr. sa pelikula. Ngayon, si Marian naman ang kapareha ni Bong at malaki ang tsansa na maulit ang kanilang movie team up dahil nasa planning stage na ang Panday 3.
Jolo hindi na sumasakit ang ulo
OK na OK si Jolo Revilla nang magkita kami sa press preview at Christmas party ng Panday 2 noong Lunes.
Hindi na sumasakit ang ulo ni Jolo at ikinatuwa ko ang good news dahil ang hirap kumilos kapag hindi normal ang pakiramdam ng katawan.