MANILA, Philippines - Magpapasiklaban na sa kantahan sina Melanie Amaro, Josh Krajcik, at Chris Rene para patunayang sila ang karapat-dapat na tanghaling pinakaunang kampeyon ng The X Factor USA ngayong Huwebes (Dec 22) at Biyernes (Dec 23) live via satellite sa ganap na 7:00 p.m. via Studio 23.
Ang magwawagi sa kumpetisyon ay bibigyan ng US$ 5 million Sony recording contract at may pagkakataong magtanghal sa taunang Pepsi Superbowl.
Hindi lamang ito labanan ng tatlong finalist acts kung hindi banggaan din ng tatlo sa mga hurado dahil si Melanie ay alaga ni Simon Cowell, si Josh naman kay Nicole Scherzinger, at si Chris Rene ay kay L.A. Reid. Wala naman sa mga grupo ni Paula Abdul ang umabot sa finals.
Sino nga kaya ang pipiliin ng America para manalo?
Hindi pa man napapangalanan ang unang winner ng The X Factor ay nakakasa na agad ang second season nito. Hahanapin na rin kung sino sa mga Pinoy ang may X factor sa pagsisimula ng The X Factor Philippines na mapapanood malapit na sa ABS-CBN.