Kris, Vice Ganda, Angel, at Anne, nag-aayang mag-share ng biyaya

MANILA, Philippines - Personal na bumisita at nag-abot ng tulong kamakailan ang Kapamilya stars na sina Kris Aquino, Vice Ganda, Angel Locsin, at Anne Curtis sa mga nasalantang lugar ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro City.

Bitbit ang mga donasyong pagkain, tubig, at mga gamit panligo; dinalaw nina Kris, Vice, Angel, at Anne ang pami-pamilyang magpahanggang ngayon ay wala pa halos masilungan, makain, at mainom.

Ayon kay Kris, hindi nila sasayangin ang pagkakataong makatulong sa mga nangangailangang kababayan. Kuwento niya, “Nakakatuwa kasi pati ‘yung mga kasambahay ko, tumulong din. Ang bait nila kasi hanggang alas-kuwatro ng u­maga, nagre-repack sila ng mga ipamimigay namin.”

Pakikipag-kapwa naman ang mensahe ni Vice sa kanyang pagdalaw. “Nakababagabag na ‘yung mga nangyayari kaya’t kailangang may gawin tayo. Alam nating lahat na ang daming nasalanta dito sa Cagayan de Oro, pati sa Iligan; at parang nakaka-konsensiya naman kung ilalaan pa namin ‘yung panahon namin sa shopping,” sabi ng komedyante.

Samantala, kapwa hinikayat nina Angel at Anne ang publiko na magbahagi ng biyaya ngayong Pasko sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nabiktima ng bagyong Sendong.

Paliwanag ni Angel, “Hindi kami nandito para ipakita lang na namimigay kami, kundi para manghikayat rin kami sa mga kababayan natin na mag-share po tayo ng blessings, tutal magpa-Pasko naman po.”

“Sa nakikita po namin, ang pinakaimportanteng kailangan nila sa ngayon ay malinis na tubig na puwedeng mainom,” dagdag panawagan pa ni Anne.

Patuloy pa rin nangangalap ang ABS-CBN Sagip Kapamilya: Operation Sendong ng mga donasyon para maitulong sa mas marami pang nabiktima ng bagyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Maaring dalhin ang mga donasyon sa Sagip Kapamilya, ABS-CBN Foundation Inc. Mother Ignacia cor. Eugenio Lopez St. Diliman, Quezon City; ABS-CBN Cagayan De Oro, Barangay Bulua, Cagayan De Oro City; at sa ABS-CBN Davao, Shrine Hills, Matina, Davao City.

Para naman sa mga cash donation, maaring magpadala ng tulong sa Banco de Oro (Sct. Albano, Quezon Ave., Quezon City Branch) sa pamamagitan ng account name na ABS-CBN Foundation Inc.-Sagip Kapamilya na may account number na 393-011-4199. Para sa international cash donations, ang BDO dollar account number ng Sagip Kapamilya ay 393-008-1622 na may ‘swift code’ na BNORPHMM.

Puwede ring magdeposito ng donasyon sa pamamagitan ng PNB at BPI na kapwa may account name na ABS-CBN Foundation Inc.-Sagip Kapamilya. Ang account number sa PNB ay 419-539-5000-13; samantalang sa BPI (West Triangle, Quezon City Branch), 3051-1127-75. Ang BPI Dollar Account ay nakapangalan din sa ABS-CBN Foundation Inc.-Sagip Kapamilya at may account number na 3054-0270-35.

Show comments