Isinama ko sa panonood ng special screening ng Panday 2 si Andrew James, ang pitong taong gulang kong apo. Ang pelikula na magkatulong na ginawa ng GMA Films at Imus Productions ay pagpapatuloy ng kuwento ng isang natatanging panday na unang ipinakilala ng namamayapang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. at ipinamana niya kay Sen. Bong Revilla, Jr. .
Masaya si AJ at hindi makapaniwala na mapapanood na niya ng buong-buo ang pelikula na ang trailer ay kinalulugdan lamang nilang tatlong magkakapatid.
Ewan ko nga kung paano nagawa ng isang kasamahan sa hanapbuhay ang tulugan ang pelikula gayung napakaingay ng mga bata na ang karamihan ay mula sa iba’t ibang ampunan na espesyal na inanyayahan ng pamilya Revilla sa screening? Binigyan din silang lahat ng pamilya ng regalong Pamasko.
Ang apo kong si AJ ay titig na titig sa screen. Sa pagitan ng pagsubo niya ng popcorn at pag-inom ng juice ay naririnig ko ang kanyang reaksiyon. Hindi man siya nagtatatalon sa kanyang kinauupuan, alam kong enjoy siya sa kanyang nakikita. Malakas ang tawa niya sa mga antics ni Benjie Paras. Amazed siya sa nagliliparang napakaraming ibon (o paniki ba ang mga ‘yun?) at paru-paro kahit alam niyang computer generated lang ang mga ‘yun. Gandang-ganda siya sa pagbuga ng apoy ng dragong si Bagwis na ginagampanan ni Marian Rivera.
Obvious na may kasunod pa ang Panday 2. Naghiwalay man ang mga characters nina Bong at Marian, baka sa Part 3, sila na. Nabuntis si Maria (Iza Calzado) ni Lizardo (Phillip Salvador), baka sa part 3 ay ang anak na niya ang maging kontrabida sa istorya. Pero ibinadya ng gumandang mangkukulam na ginagampanan ni Lorna Tolentino na ipagpapatuloy niya ang pagpuksa kay Flavio.
Ang ikli ng role ni Rhian Ramos, sobrang maikli! ’Di tulad sa unang Panday na hinangaan ang husay niya sa pakikidigma, kontrabida siya, isang kampon ni Lizardo na nagpapanggap na Emily para makuha ang espada ni Flavio. Ganun din si Kris Bernal bilang salbaheng kapatid ng character ni Marian.
Ang ganda-ganda ni Marian, made up or not. ‘Yun lang mas maganda ‘yung mga love scenes nina Maria (Iza) at Flavio (Bong) kesa ‘yung sa kanila ng panday. May mga bagong characters pero nasapawan sila ni Benjie na magiging bagong comic hero ng mga bagets.
Sa rami ng mga characters, umikli ang mga roles nila. Minsan isa o dalawang eksena lang sila. Sana hinabaan pa ‘yung roles ng tatlong bata who joined Bong in his journey para mas naka-relate pa ang mga batang manonood. Sa comfort room, dinig kong sinasabi ng mga kids na sana mas mahaba pa ang mga karakter nina Buboy Villar, Yogo Singh, at Isabel Frial.
In totality, masaya, entertaining ang movie. Sa espada, ang ganda ng laban ni Bong sa mga kampon ni Lizardo.
Sa Pasko manonood ang mga kids at hindi naman sila puwedeng manood nang walang kasama, dadalhin nila sa sinehan ang mga parents nila para pumila sa pagbili ng tiket. Sigurado na namang runaway ang Panday 2 sa takilya!
Nanalo sa Protege hindi pa makapaniwala!
Hindi pa alam ni Krizza Neri, ang Protégé ni Aiza Seguerra na nanalo sa pakontes na isinagawa ng GMA 7 na tinalo niya ang mga protégés nina Jaya at Janno Gibbs para sa karapatang mapasikat ng GMA 7 sa loob ng limang taong nasa kontrata siya nila.
Sa ngayon, hindi pa pumapasok sa utak ng taga-Cagayan de Oro ang kanyang tagumpay o pagkakataong sumikat bilang isang singer. Ito ang pangaral sa kanya ni Aiza, na huwag niyang iisiping isang career ang pagkanta niya. Basta i-enjoy lang niya ito. Ang mahalaga ay mapanatili niya ng matagal ang pagkanta niya at hindi agad malaos na tulad ng maraming nananalo sa mga ganitong reality singing contests.