MANILA, Philippines - Karamihan sa mga tween stars na maraming fans ay may good looks, acting talent, at siyempre may on-screen “puppy love” na siyang nagpapalakas ng showbiz fan clubs. Pero si Derrick Monasterio, ang best new male TV personality ng Philippine Movie Press Club (PMPC), ay nagpapatunay na marami pa siyang maio-offer sa publiko kahit solo.
Ang Kapuso teenage heart throb ay nakakaarte na, binigyan pa ng singing career ng Sony Music at GMA Records. Dito maririnig na ang vocal prowess ng bagets na ilang beses na rin namang narinig na kumanta ng live.
Kayang-kaya ng 16-year old actor ang kumanta ng mga Italian songs. Napanood na ito sa Party Pilipinas ng GMA 7 at kabiritan pa ang senior sa kantahan nang si Gian Magdangal.
“Umani ng papuri si Derrick sa pag-awit niya ng classic Italian song with Gian. Ngayon mas nahaharap siya sa malaking hamon,” komento ni Lhar Santiago nang ma-interview si Derrick.
Kung sabagay, may dugong Italian-Jamaican kasi ang anak dating sexy actress na si Tina Monasterio kaya magaan sa kanyang persona ang pagkanta ng foreign song.
Ngayon ay may espesyal siyang partisipasyon sa Christmas album ng Tween Hearts cast. Kinanta niya ang O Holy Night.
Kung hindi pa alam ng iba, kinanta niya ang theme song ng Sinner or Saint na pinagbidahan ni Bianca King. Ito ay ang Ipagpatawad Mo.
Sa pagpasok ng 2012, gaganap bilang Danny Sebastiane ang 5’10” young actor-singer sa Dapat Ka Bang Mahalin drama series ng GMA Network.