Kapamilya sumuko sa career ni KC

Lumalawak ang mundo ni KC Concepcion sa gagawin niyang pag-alis sa ABS-CBN. Bilang alaga ng Viva, hindi lamang siya sa TV5 makakakuha ng trabaho, puwede na rin siyang makasama sa mga projects ng GMA 7. Baka nga naman magbago ang takbo ng kanyang career sa pag-iwan niya sa Dos. Matatandaan na kahit gaano kaganda ang mga proyektong ibi­nibigay sa kanya sa Kapamilya Network, hirap siyang matanggap ng manonood.

Hindi nagtagal ang kanyang talk show, hindi well received ang mga pelikula niya with Gabby Concepccion at maski na ’yung with Sam Milby.

Gaano man kagaling na host si KC, parang nangangapa siya sa The Buzz. Isang malaking risk ’yung paglalagay sa kanya sa Alta pero baka bumawi na siya. Kaya lang wala nang oras at kalat na kalat na ang paglipat niya.

Direk Tikoy  hindi pa tapos  ang laban kay ER

’Yung sinasabing pakikialam ni Gov. ER Ejercito sa editing ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga ang sanhi raw ng galit ni Direk Tikoy Aguiluz kaya ayaw niyang ipalagay ang kanyang pa­ngalan sa credits ng movie. Maski na ang red carpet premiere ng pelikula ay hindi niya sinipot at parang nagtatangka pa itong dalhin sa korte ang kanyang problema.

Ayon naman sa isang taga-produksiyon na nakausap namin, gusto lamang maiklian ni ER ang pelikula. Sa halip na mahigit sa dalawang oras ang maging running time nito, ginawang one hour and 45 minutes na lang ito na hindi naman nakaapekto ng masama sa pelikula, mas gumanda pa nga at hindi kinainipan ng manonood.

Direk Tikoy and Gov. ER should settle their differences dahil malayo pa ang tatakbuhin ng pelikula nila. Meron pa rin silang movie na pagsasamahan, ang El Presidente, kaya dapat magbati na sila. Maganda ang pelikula, karapatan lang ni Tikoy na ma-acknowledge bilang director nito na hindi naman ipinagkakait sa kanya ng produksiyon, at maski ni ER.

It’s about time he returned to work dahil kahit anong pagtanggi ang gawin niya para sa pelikula, kanya ito. Wala naman ibang umaangkin. Pero bilang isa sa mga prodyuser ng pelikula, may say si ER na makialam dito.

Phillip, priority si Sen. Bong bilang kaibigan

Hindi mo rin naman masisi si Phillip Salvador kung magpasya siyang sa karosa ng Panday 2 sumakay. Baka nga mas nalalakihan siya’t nagagandahan sa role niya sa pelikula ni Sen. Bong Revilla, Jr. kesa sa Asiong Salonga bagama’t pinaniniwalaan ng maraming nanood ng premiere showing ng Manila Kingpin na maganda rin ang role niya roon at hindi naman siya dinehado sa billing. Una ang pangalan niya.

Baka mas close lang kasi sila ni Bong, and if that’s the case, walang makakapigil sa kanya na mas suportahan ang senador mula sa Cavite kesa ang gobernador ng Laguna.

Show comments