Bong walang kapaguran sa pagpo-promote

Hectic ang schedule ni Senator Bong Revilla, Jr. noong Linggo dahil mula sa live guesting nila ni Phillip Salvador sa Showbiz Central, dumiretso sila sa isang mall show para i-promote ang Panday 2, ang official entry ng GMA Films at Imus Productions sa 2011 Metro Manila Film Festival.

Ganadung-ganado si Bong na mag-promote dahil nakakataba ng puso ang mga positive feedback sa Panday 2. Lahat ng mga nakakahalubilo ni Bong eh nagsabi na panonoorin nila ang kanyang pelikula dahil napakaganda ng trailer nito.

Halos hilahin ng mga bata ang araw dahil gusto na nilang mapanood sa mga sinehan ang Panday 2. Magbubukas sa mga sinehan sa December 25 ang Panday 2 at ang limang pelikula na kasali sa MMFF.

TV networks busy sa pagtulong  sa mga biktima ng Sendong

Nakakawindang ang trahedya na nangyari sa mga kababayan natin sa Mindanao na big news dahil ipinapakita ito sa CNN at BBC.

Halos hindi ko matingnan ang mga eksena na ipinapakita sa TV na nakaka-depress, lalo na ngayon na papalapit na ang Pasko.

Nabigla ang lahat sa kalamidad na dumapo sa Cagayan de Oro, Iligan at iba pang lugar sa Mindanao.

Kasinglakas daw ng Ondoy ang ulan na dala ni Sendong kaya mabilis ang pagbaha. Ang pagkakaiba lang, umaga nang manalanta si Ondoy sa Luzon at Metro Manila noong 2009 kaya nakalikas ang mga tao samantalang hatinggabi at natutulog ang mga kababayan natin sa Mindanao nang maghasik ng lagim si Sendong.

Ipagdasal at tulungan natin ang mga nasalanta ni Sendong sa Mindanao.

Salamat sa Diyos, aktibo ang mga television network sa kanilang mga telethon para matulungan ang ating mga kawawang kababayan.

Yesterday Today Tomorrow positive Rin

May reminder ang Regal Entertainment Inc., ngayong gabi ang red carpet premiere sa SM Megamall Cinema ng Yesterday Today Tomorrow.

Required ang mga artista ng Regal na umapir sa premiere night or else magtatampo sa kanila si Mother Lily na happy din dahil positive din ang mga feedback sa trailer ng kanyang pelikula.

Consistent si Mother sa pagkukuwento na kahit isang drama movie ang Yesterday Today Tomorrow, malaki ang nagastos niya sa big scene na kinunan sa studio ng Regal Films sa San Juan. Hindi natanggihan ni Mother ang request na budget para sa big scene dahil alang-alang ito sa ikagaganda ng project.

Krizza nag-ala Frencheska

Congrats kay Krizza Neri, ang protege ni Aiza Seguerra dahil siya ang nag-win sa huling gabi ng talent show ng GMA 7 noong Linggo.

Nag-imbita ng press ang Kapuso Network para masaksihan nila ang finale night sa Centerstage ng Mall of Asia.

Nasorpresa ang mga reporter nang madatnan nila sa Centerstage si Marian Rivera na naroroon para suportahan ang show at ang host ng Protege, ang kanyang boyfriend na si Dingdong Dantes.

Siyempre, tuwang-tuwa si Krizza sa kanyang tagumpay dahil magbabago na ang takbo ng kanyang buhay, gaya ng nangyari kay Frencheska Farr nang manalo ito sa Are You The Next Big Star? na reality talent search show din ng GMA 7.

Show comments