Kung susunod si Piolo Pascual sa ginagawa at gagawin pang paglipat ng iba niyang Kapamilya sa TV5, baka maengganyo rin siyang sumunod sa kanila. Pero kung sakali, baka magkita sila roon ng ex niyang si KC Concepcion na sinasabing sasamahan na ang kanyang mga magulang na nauna nang lumipat sa Kapatid Network.
Masisira ang layunin ng anak ng Megastar na iwan ang ABS-CBN para mapalayo sa kanya. Siguro dapat munang pag-isipang mabuti ni Piolo ang kanyang gagawin dahil hindi lamang si KC ang aabutan niya dun kundi maging ang mga magulang nitong sina Gabby Concepcion at Sharon Cuneta na hindi naman itinago ang galit sa kanya sa naging paghihiwalay nila ng kanilang anak.
Sinasabing ang pangunahing dahilan ng gagawing pag-alis ng aktor sa istasyong matagal na niyang pinaglilingkuran ay ang hindi magandang pagtrato sa naging pagghihiwalay nila ni KC. Marami ang naniniwala na ABS-CBN could have prevented the airing of KC’s “confession” dahil makakasira rin ito sa kanya na isa rin nilang contract artist pero pinayagan din nila.
Mabuti siguro ay ipagpatuloy na lamang muna ni Piolo ang kanyang kaabalahan sa kawanggawa. Meron siyang photo auction na ginagawa para sa Hebreo 12:11 Foundation, may labindalawang larawan na siya mismo ang kumuha at mga paintings ng isa pa ring scholar ng Hebreo na si Omar Flores ang maaaring mabili online.
Anne todo-effort para sa kanyang concert
Isa sa mga aktibidad ni Anne Curtis na gusto niyang ihingi ng tulong sa entertainment press na nagkaroling sa kanya dun mismo sa programa niyang It’s Showtime ay ang nakatakda niyang concert sa Smart Araneta Coliseum sa Jan. 28 na pinamagatang Annebisyosa: No Other Concert World Tour.
Obvious ang pagiging excited ng aktres sa magandang pagtanggap sa kanya bilang isang singer dahil kahit inaamin niyang hindi kagandahan ang kanyang boses ay nag-i-effort siya para ito ma-improve. Magandang inspiration ’yung pagkakabigay ng platinum award sa kanyang debut album na Annebisyosa. Isa itong pangarap na hindi niya inaakalang mabibigyan ng katuparan.
Si Rico Gutierrez ang magdidirek ng kanyang Araneta concert.
Boy naipanalo ni Mangudadatu
Natutuwa naman si Boy Abunda sa magandang Christmas gift na tinanggap niya mula sa Asian TV Awards na pinili ang programa niyang The Bottomline with Boy Abunda bilang best talk show for 2011. Tinalo nito ang anim pang kalahok mula sa iba’t ibang bansa sa Asya kabilang na ang Talk Asia ng CNN at Euthanasia Debate ng New Delhi Television sa India.
“Lampas sa kasiyahan ang naramdaman ko sa panalong ito. Akala ko sanay na akong tumanggap ng awards pero hindi pala, kinabahan ako ng husto. Marami akong nakalimutan sa acceptance speech ko. Ang tanging nagawa ko ay ihandog ang trophy sa ating bansang Pilipinas,” paliwanag niya.
Ang episode na nagtatampok kay Maguindanao Governor Esmael Toto Mangudadatu ang nagpanalo sa show.