MANILA, Philippines - Muling mapapanood sa GMA at ngayon pati na rin sa GMA News TV ang mga nakakatawa, nakakaiyak, at nakaka-inlove na maiiksing pelikula o short films tungkol sa panahon ng kapaskuhan sa GMA Christmas Short Film Festival.
Ang taunang proyektong ito ay bunga ng pagtutulungan sa pagitan ng GMA Marketing and Productions, Inc. (GMPI), ang sales at marketing arm ng GMA Network, Inc. (GMA), at ilang mga advertisers sa bansa.
Tinatampok sa sampung short films ang mga pinaka-maningning na Kapuso stars tulad nina Dingdong Dantes, Dennis Trillo, Rufa Mae Quinto, Jennylyn Mercado, Sid Lucero, Isabel Oli, Perla Bautista, Isay Alvarez, Dominic Roco, Sean Samonte, at Jillian Ward.
Magmula nang i-launch noong 2006, marami na ang sumubaybay at nag-abang sa mga Christmas Short Films ng GMA dahil bukod sa maganda ang pagkakagawa, ay naglalaman din ang mga ito ng makabuluhang mensahe at aral.
Ngayong taon, ang So Lucky Soda Crackers, Ajinomoto Ginisa Flavor Seasoning Mix, Bear Brand Adult Plus, Western Union, Goldilocks , Argentina Andale Hotdog, Lactum 3+, Cebuana Lhuillier, Alaska Condensada, at Maggi Magic Sarap ang mga sponsors na nagbigay ng suporta upang mabuo ang short films.
Ang mga ito ay likha ng mga seasoned directors tulad nina Louie Ignacio, Paul Soriano, Topel Lee, Mikko Avelino, Raul Jorolan, Treb Monteras III, at Dragon Pineda.
Magkakaroon ng special screening kung saan mapapanood ang extended director’s cut ng mga short films, gayon din ang ilang behind the scenes footage ngayong December 18, Linggo nang 9:45 PM sa GMA Sunday Night Box Office (SNBO), at December 22, Huwebes nang 7 PM sa GMA News TV. Ang special airing na ito ay mula sa direksyon ng mahusay na videographer na si Jason Magbanua.
Mapapanood din ang GMA Christmas Short Films online sa http://www.gmanetwork.com/shortfilmsyear6. Mag log-on lamang upang magkaroon ng pagkakataong Manalo ng special gift packs o GMA merchandise.