Ilang ulit napaiyak ang komedyanteng si Pokwang sa presscon ng kanyang launching film, ang A Mother’s Story, kuwento ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na akala ay nakamit ang kanyang American dream nang isama siya ng minimeykapan niyang concert star sa show nito sa US. Napatunayan niyang wala pala sa US ang hinahanap niyang pangarap. Pero nakumbinse siya ng isang kababayan na huwag umuwi at mag-TNT na lang.
Napilitan lamang siyang umuwi nang magkasakit ang isa nilang anak at kailangan ng malaking halaga para ito magamot. Umuwi ang character ni Pokwang na walang-wala at ang pamilya niya ay nagkakagulo.
Napaiyak si Pokwang habang tinatanong ng press dahil nakaka-relate siya sa kanyang role. Katulad ng character na ginagampanan niya, nagtrabaho rin siya sa abroad at habang nasa Abu Dhabi ay namatay ang isa niyang anak, limang taong gulang, sa sakit na brain tumor. Nang hingan niya ng tulong ang ama nito ay hindi siya nito hinarap, katuwiran nito ay hiwalay na sila.
“Hindi ko mapatawad ang sarili ko, namatay siya ng hindi ko man lang nakikita. Kaya ako nasa abroad ay gusto ko sanang bigyan ang mga anak ko ng magandang buhay pero ganun pa ang nangyari,” paghihimutok ng komedyante na sa pelikula ay muling nabuhay ang mapait na alaala ng kanyang pagiging OFW. “Napatawad ko na siya pero hindi ko makakalimutan ang ginawa niya.”
Sa presscon, marami ang nagtanong sa produksiyon kung bakit sa kanya ipinagkatiwala ang unang pelikulang prodyus ng The Filipino Channel o TFC, bakit hindi kina AiAi delas Alas o Eugene Domingo na kinilala na ang galing hindi lamang sa pagpapatawa kundi maging sa pagganap sa drama? Sinagot ito ng writer ng movie na si Senedy Que na nakipag-collaborate sa isang direktor na based sa US, si John D’ Lazatin para sa nasabing movie. Sinabi nitong sa simula pa lang ay si Pokwang na ang napili para gumanap ng role ng OFW. At nang kumpirmahin ito ng bossing ng ABS-CBN na si Gabby Lopez ay hindi na sila umangal. Kilala naman si Pokwang ng mga TFC subscribers na siyang unang puntirya ng pelikula sa simula pero nang mapanood ito sa abroad at binigyan ng standing ovation si Pokwang, napagpasyahan na ipalabas na rin ito sa mga commercial theaters para mas marami pa ang maka-appreciate sa magandang pelikula na nagawa. Wala nga si Pokwang nang ipalabalas ito sa abroad, nasa Canada siya at nagso-show, tinangka niyang dumalo pero hindi na siya umabot.