Hindi masyadong naramdaman ang FAMAS Awards dahil busy ang lahat sa Christmas shopping pero feel na feel ni AiAi delas Alas ang Pasko dahil siya ang tinanghal na best actress dahil sa acting niya sa Ang Tanging Ina Mo, Last Na ‘To!
Bongga talaga si AiAi dahil humakot ito ng parangal bago natapos ang 2010 at ngayong patapos na ang 2011, nag-uwi pa rin siya ng mga acting trophies.
Dalawang acting award ang natanggap ni AiAi mula sa Star Awards for TV ng Philippine Movie Press Club noong nakaraang buwan at siya ang naka-getlak ng best actress trophy ng FAMAS.
Sign kaya ito na si AiAi uli ang tatanghalin na best actress ng 2011 Metro Manila Film Festival (MMFF) dahil sa performance niya sa Enteng ng Ina Mo? Why not? Gaya nang aking madalas sabihin, mas madali ang magdrama kesa magpatawa kaya deserving si AiAi na mag-take home ng best actress trophy.
Trailer pa nga lang ng Enteng ng Ina Mo, natawa na ako, paano na kapag napanood ko ang kabuuan ng filmfest movie nina AiAi at Vic Sotto? Para sa akin, pang-best actress talaga si AiAi.
Juday halatang masayang misis!
Ang ganda-ganda ni Judy Ann Santos nang umapir ito sa Party Pilipinas at Showbiz Central noong Linggo.
Hindi puwedeng i-deny na fulfilled at contented woman si Judy Ann dahil masaya siya sa piling ni Ryan Agoncillo at ng kanilang dalawang anak.
Visible sa TV ang magdyowa dahil sa My Househusband: Ikaw Na! ang kanilang pelikula na kasali rin sa MMFF. Ang sipag-sipag mag-promote nina Judy Ann at Ryan ng pelikula nila. Pati mga mall shows sa malalayong lugar, dinarayo ng dalawa para makasiguro sila na aware ang mga tao na may movie sila na kasali sa MMFF.
LT laging ikinukuwento ang buhay sa farm
Mabilis maka-stress ang traffic kaya gustung-gusto ni Lorna Tolentino ang farm niya sa Cavite dahil tahimik dito at maaliwalas ang hangin.
Kung puwede nga lang na mag-uwian si LT sa kanyang farm sa Cavite, gagawin niya pero malabong mangyari dahil inaabot nang maghapon at magdamag ang taping ng Glamorosa, ang primetime show ng TV5.
Gusto ko nang makita ang farm ni LT dahil sa tuwing mag-uusap kami, ang kagandahan ng kanyang farm ang ikinukuwento niya. Naniniwala naman ako kay LT pero to see is to believe. Kailangang marating ko ang kanyang farm na malamig na malamig ang klima dahil nasa mataas na lugar ito ng Cavite.
Traffic tumitindi na
Pagkatapos ng mga sunud-sunod na presscon ng filmfest entries, ang premiere night naman ng mga pelikula ang pagkakaabalahan ng press people.
Wish ko lang, idaos sa malapit na venue ang premiere ng mga pelikula dahil patindi na nang patindi ang traffic situation sa EDSA. Walang dahilan para magreklamo ang sambayanang Pilipino dahil alam nating lahat ang horrible traffic situation sa buong Metro Manila habang papalapit ang Pasko.
May narinig ako na may mga pelikula na magkakaroon ng premiere night sa Maynila. Kahit imbitahan ako, hindi yata ako dadayo sa Maynila sa mga ganitong panahon, lalo na sa Makati area dahil sa trapik. Hihintayin ko na lang na ipalabas sa mga sinehan ang mga pelikula na kasali sa MMFF para hindi na ako dumayo sa malalayong lugar!