Usapang Pasko na

MANILA, Philippines - Labing-apat na araw na lang at darating na ang Pasko. At sa GMA News TV program na Life and Style with Gandang Ricky Reyes ngayong Sabado, alas diyes nang umaga, tungkol sa masayang pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus Christ ang itatampok.

Alam ba ninyo kung sino ang nakaimbento ng pekeng “snow?” Sa mga bansang tulad ng sa atin na walang winter kaya pasok ang ideyang ito. Sa programa, ipakikilala ang henyong gumawa nito pati na kung kailan at saan una itong nakita at naramdaman.

May feature rin sa pinakamataas na Christmas Tree, ayon sa Guinness Book of Records. 

Ipapasyal tayo ni Mader Ricky Reyes sa Eastwood City Village para mag-shopping at pati na sa iba-ibang Winter Wonderland na kinagigiliwang puntahan ng mga bata sa Metro Manila. At ’pag ganitong panahon ay kasama ring tiyak sa inyong listahan ang pagdadala ng buong pamilya sa mga karnabal kaya ililibot kayo ni Mader sa Boom na Boom at Star City kung saan naroon ang paboritong “rides” para sa mga bata’t matanda.

Para naman matikman ang Pasko sa Nayon ay darayo tayo sa Golden Sunset Resort, Inn and Spa. Doon ay may misa de gallo, lantern parade, caroling, simbang-gabi, at noche buena. Iisa-isahin din nating sipatin ang iba-ibang dekorasyon at naglalakihang Christmas Tree sa Maynila, Quezon City, at Makati.

At para maganda ang ngiti ng mga bata pagdalaw sa mga kamag-anak at godparents, may dental care tips ang Doc Smiley segment sina Dr. X at Dr. Y o ang ating tinatawag na dynamic dental duo.

Mula kay Mader RR ... isang Maligayang Pasko po sa lahat!

Show comments