Itsurang magpa-Pasko, nasa fighting mood sina Annabelle Rama at Nadia Montenegro. Balitang-balita ang pagpunta ng mga pulis sa Imperial Palace Suites noong Martes dahil type nila na imbitahan si Bisaya sa police station para bigyang-linaw ang reklamong harassment ni Nadia.
Wala si Bisaya sa opisina niya kaya ang kanyang abogado ang humarap sa mga pulis na umalis agad pagkatapos ng kanilang pag-uusap.
Ang latest, magdedemanda ng harassment si Bisaya laban kay Nadia dahil sa pananakot daw na ginawa nito.
Hindi naman yata isasali ni Bisaya sa reklamo ang mga pulis na nadamay at nagulo ang buhay.
May nagkuwento sa akin na nag-guest kahapon si Annabelle sa isang FM station at dito niya niratrat nang husto si Nadia.
Matatagalan pa ang itatakbo ng problema ng dalawa at sa tingin ko, malabong magkasundo sina Bisaya at Nadia dahil sa mga nangyari noong Lunes nang magharap sila sa fiscal’s office at sa pagpapapunta ni Nadia ng mga pulis sa opisina ni Annabelle.
Showbiz scandals pinagpipiyestahan sa internet
Nakikipagsabayan sa mga sunud-sunod na presscon at Christmas party ang mga eskandalo sa showbiz.
Hindi pa tapos ang isang isyu, may mas malaking kontrobersiya na pumuputok at pinagpipistahan.
Ang taumbayan ang nag-e-enjoy nang husto sa mga showbiz scandal dahil may mga opinyon sila tungkol sa mga gulo na kinasasangkutan ng mga artista.
‘Yan ang epekto ng modern technology. Dahil sa Internet, involved na involved ang publiko sa mga showbiz controversy.
Nahihirapan ang mga artista na magtago ng mga sikreto dahil ang Internet ang ginagamit para ibunyag ang kanilang mga lihim. Moral of the story? Maging maingat sa inyong mga kilos at pangalagaan na mabuti ang privacy para hindi kayo matsismis at makatikim ng mga malulupit na panghuhusga.
Lovi may karapatang kumanta
Si Lovi Poe ang kumanta ng theme song ng Yesterday Today Tomorrow. May karapatan si Lovi na kumanta dahil maging singer talaga ang kanyang pangarap nang pumasok siya sa showbiz.
Eh na-discover na marunong siya na umarte kaya nagkasunud-sunod ang kanyang mga pelikula. Contract star si Lovi ng Regal Films. Kung interesado ang ibang movie produ na kunin ang serbisyo ni Lovi, kailangan muna nila na humingi ng permiso mula kay Mother Lily.
Maricel ‘di kayang pabayaan ni Mother Lily
Ang Yesterday Today Tomorrow ang comeback movie ni Maricel Soriano. Maraming pagsubok na pinagdaanan si Maricel at tanging si Mother Lily ang tumulong sa kanya para magbalik-showbiz.
Mahal ni Mother si Maricel dahil isa ito sa mga original member ng Regal Babies. Parang tunay na anak ang trato ni Mother kay Maricel kaya hinding-hindi niya puwedeng pabayaan ang aktres.
Maganda ang role ni Maricel sa Yesterday Today Tomorrow. Malaki ang chance na magkaroon siya ng acting award dahil sa performance niya sa filmfest movie ng Regal Multimedia Inc.