PIK: Nagbigay na ng statement si Rhian Ramos kaugnay sa isyu ng abortion. Wala siyang itinatanggi o inamin sa ibinibintang ni Mo Twister sa kanya, pero humingi na ito ng temporary protection dahil sa patuloy na pangha-harass na ginagawa ni Mo sa kanya.
Hindi na nagugulat si Rhian sa mga ginagawa ni Mo laban sa kanya at sa kanyang pamilya dahil matagal na raw siyang naha-harass ng dating nobyo. Sobrang nabahala lang siya dahil umabot na sa matitinding akusasyon ang ibinibintang sa kanya.
Ang latest na narinig namin, nasa New York na si Mo at wala na itong inilalabas na pahayag.
Pero tatambakan siya ng mga demanda na sinimulan na ni Rhian kamakalawa lang dahil nagsampa na ito ng kasong Rep. Act 9262 o Violation Against Women and Children laban sa dating nobyo.
PAK: Pak na pak ang mga bagong shows na ilulunsad ng TV5 sa 2012 na karamihan ay mga malalaking reality shows na sinubaybayan sa buong mundo.
Si Paolo Bediones ang host sa Extreme Makeover na halos isang taon na palang nasimulan.
Sina Richard Gomez at Joey de Leon naman ang maghu-host ng The Biggest Game Show in the World na kinunan sa Malaysia.
Sisimulan na rin nila ang Dance Nation, Kanta Pilipinas, at Temptation Island.
BOOM : Hindi napigilan ni Tita Annabelle Rama ang magalit at magsisigaw sa harap mismo ni State Prosecutor Liezel Aquiatan-Morales nang magharap sila ni Nadia Montenegro kahapon.
Nagalit ito dahil hindi raw niya matanggap ang pagsisinungaling ni Nadia kung saan sinabi nitong wala raw siyang utang kay Bisaya. Giit ni Nadia, pera raw ng mga anak niya ang kinukuha niya at wala raw itong pagkakautang.
Dagdag ni Nadia, ang ikinagalit daw nang husto ni Tita Annabelle ay nung tinatanong daw ng fiscal kung ano ang purpose nitong mga itini-tweet niya. Sagot naman ni Tita Annabelle, nagsasabi lang daw siya ng totoo.
May dagdag pang pruwebang gustong ilabas si Nadia - na nag-text daw si Tita Annabelle sa kanyang anak na si Alyana na lalo raw ikina-trauma ng huli.
Itinatanggi naman ito ni Bisaya dahil hindi nga raw niya alam ang cell number ng mga anak ni Nadia kaya bakit niya ito iti-text.
“Hindi ako guilty! Wala akong kasalanan para gawin ko. Hindi ako nagti-text sa anak niya.
“Ako sa totoo lang. Huwag lang magsinungaling! Nagsisi talaga ako na hinandle ko ‘yung mga anak niya. Inutangan pa ako, nag-abono pa ako. Mga sinungaling!” bahagi nang mga litanya ni Tita Annabelle.
Giit naman ni Nadia, maglabas lang ng pruweba si Tita Annabelle sa lahat na mga ibinibintang laban sa kanya.
As of presstime napag-alamang nagpa-blotter si Nadia kasama ang kanyang mga anak dahil sa ginawang pagmumura sa kanya sa harap ng fiscal ni Tita Annabelle.