Wala naman talagang hindi napaghihilom ang panahon. Kahit ang broken heart. Ang pagpayag ni Sarah Geronimo na makatambal muli si John Lloyd Cruz matapos ang maintriga nilang paghihiwalay ay iisa lamang ang pahiwatig, naka-move on na siya at magagawa na niyang makipagtrabahong muli sa aktor na pinaniniwalaan ng lahat ay first love niya. Sa kabila ng sinasabing “First love never dies,” ipinamamalas lamang ng Pop Princess ang kanyang professionalism.
Senyales din ito na naka-move on na siya, or has she really? Sinabi rin kasi ng Pop Princess na na-miss niya ang pakikipagtrabaho sa aktor.
“So, sana matuloy po. I miss him. magaling siyang aktor at mabuting kaibigan,” sabi ni Sarah.
Hindi naman nagkukulang sa leading man si Sarah. Tagumpay ang dalawang beses na pakikipagtambal niya kay Gerald Anderson. Balitang kumita ng milyones sa unang araw na pagpapalabas ang reunion film nilang Won’t Last a Day Without You. Ito ay sa kabila ng hindi sila romantically linked. Pero ibang kaso naman si JLC. May nakaraan sila na maaring yumabong na muli. At pareho silang walang sabit ngayon.
So Wat? ni Rey Valera inaayawan ng judges
Masyadong obvious ang hindi pag-pabor ng mga hurado ng Protégé sa grupong So Wat? na mini-mentor ni Rey Valera. Dapat hindi sila kumikiling sa sinumang protégé dahil text voters naman ang pumipili sa matatanggal sa show. Kumbaga, sila lamang ang nagbibigay ng ideya sa mga readers kung sino ang dapat nilang iboto para matanggal o manatili sa programa.
Hindi naman kasalanan ng So Wat kung times four ang puwedeng makuha nilang boto, maganda man o hindi ang performance nila. Sapat na ang mga sinasabi ng hurado for or against the protégés para makakuha ng ideya kung sino ang dapat nilang papanalunin sa pamamagitan ng kanilang mga texts at base na rin sa galing ng performance ng mga protégés.
Hindi komo hindi pabor ang hurado sa nagiging resulta ng text votes ay maaari na nilang insultuhin at hamakin ang mga protégés na pinapanalo ng text votes. Puwede naman nilang papanigin ang kagustuhan nila at ipagwalang bahala ang text votes dahil hindi naman sigurado ang manonood kung ‘yung resulta ng text votes ay tama o hindi.
Bagong Pokwang matutuklasan
Malamang makatuklas na naman ng isang Pokwang ang Banana Split Extra Scoop. Sa limang nakita kong napili nilang finalists para sa Clown in a Million nung Sabado ng gabi, may dalawa akong natipuhan na puwedeng sumikat bilang komedyante. Magaling ’yung tatlo pa pero maganda ang script na sinundan nina Karen Dematero ng Marikina at Mimi Aringo ng Laguna.
Katunayan, kung silang dalawa mismo ang gumawa ng kanilang script, tumakbo pareho ito sa iisang wavelength. Halos magkapareho ito at hindi rin nagkalayo ang performance nila. Nakita ko lamang ang kalamangan ng taga-Marikina dahil pang-showbiz ang script niya. Hindi ko nasimulan ang palabas pero nakita ko ang potensyal ng tatlo pang comic wannabes na sina Romeo Librado ng Cotabato, Leo Priscilla ng Rizal, at Aldwin Tolentino ng Batangas.
Sinuman sa lima ang manalo, siguradong makakabilang na sa cast ng Banana Split Extra Scoop at magandang simula na ’yun.
John Estrada napakanta sa Christmas album ng HYY
Masaya ang Pasko ng mga hosts ng Kapamilya noontime show na Happy Yipee Yehey dahil merong album na ini-release ang Star Records.
Ayon kay Randy Santiago, natutuwa sila sa pagkakataong makapagpasaya ng tao hindi lamang sa pamamagitan ng show kundi maging sa HYY the Album.
Tulad ng show, puro “happy” songs ang laman ng album. At tulad ng Pasko kung kailan nagsasama-sama ang mga pamilya, sama-sama rin ang mga hosts sa pagbuo ng album.
“Kahit nga si John (Estrada) napakanta namin,” sabi ni Randy.
Dagdag pa niya, “Sulit na sulit siyang pang-regalo dahil bukod sa magaganda ’yung kanta, murang-mura lang siya. Magandang ipamigay sa mga kamag-anak sa abroad na mahilig ring manood ng Happy Yipee Yehey dahil parang nasa show na sila tuwing patutugtugin nila ang album.”
Tampok bilang carrier single sa seven-track Christmas album ang Nananana na inawit nina Randy, John at Rico J. Puno.
Mga mas kilalang castaways nauunang mag-quit
Kapag meron pang castaways na sumunod na mag-quit sa mga naunang umalis na sina Geneva Cruz, Jackie Forster, at Angelicopter, baka maapektuhan na ang buong show ng Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown.
Hindi magandang pangitain ito sa GMA 7 na siyang nakakuha ng franchise ng programa. Ang mga nawawala pa naman ay ’yung mga may pangalan at inaabangan ng maraming manonood.
Sina Geneva at Jackie ay parehong hiwalay sa mga partners nilang sina KC Montero at Benjie Paras at siyempre hindi mawawala ang intriga sa kanila.