Angel, ipinaburda ni Phil sa sapatos

Masayang-masaya si Angel Locsin dahil may sarili na siyang star sa Walk of Fame-Philippines sa Eastwood City bilang patunay sa kanyang tagumpay at kontribusyon sa industriya. Dumalo ang aktres sa induction noong Huwebes kasama pa ang ilang malalaking personalidad sa showbiz.

“Gusto ko pong magpasalamat sa mga taong nasa likod ng event na ito especially to Kuya Germs (German Moreno). Of course sa mga kapwa ko po artista, congratulations sa inyong lahat po. Isang malaking karangalan po na makasama kayong lahat dito,” pasasalamat ni Angel.

Kasama na rin sa bituin ng Walk of Fame ang namayapang boyfriend ni Angel na si Miko Sotto. “Noong na-confirm ko na same day pala, tinawagan ko si Tita Ali (Sotto) parang ‘Uy, nagpaparamdam si Mikoy.’ I’m happy ’cause I know he’s happy kasi ’yun naman ang gusto niya. Bittersweet ’yung na­raramdaman kasi nami-miss mo ’yung tao pero at the same time happy ka kasi mayroon siyang naiwan na marka,” paliwanag pa ng dalaga.

Samantala, kamakailan ay inamin ni Phil Young­husband na ipinaburda niya ang pangalan ni Angel sa kanyang sapatos na ginagamit sa paglalaro ng football.

“Sandali lang, sorry kasi ’yung buhok ko natatapakan n’yo. Puwedeng urong kayo ng konti? Pinakita niya sa akin ’yun siyempre matutuwa ka. Sino bang hindi?” natatawang tsika ni Angel.

Todo-suporta rin ang aktres kay Phil sa katatapos pa lamang na friendly soccer match ng Philippine Azkals at LA Galaxy.

Bianca tinadtad ng sorpresa ni John

Binigyan ng espesyal na sorpresa si Bianca Ma­nalo ng napababalitang kasintahan niyang si John Prats. Nagdiwang kasi ng kaarawan ang beauty queen-TV host noong nakaraang Lunes.

“Sunday salubong ng birthday ko. Sinundo niya ako. Hindi niya sinabi kung saan kami pupunta. ’Tapos nakita ko na lang cruise, sabi ko baka nandito ’yung surprise, pasok kami sa room, diretso. Paglabas ko may yate, pagpunta ko sa yate may ba­­baeng nakaabang, may dalang flowers, ‘Happy birth­day ma’am.’ Dinner sa yate. Akyat na kami, may nagbi-violin. Nag-dinner kami habang nagku-cruise kami sa Manila Bay.

“Akala ko ’yun na ’yun. Hindi pa roon nagtapos. Sabi niya coffee daw muna kami, so, punta kami sa coffee house. Nag-text ’yung sister niya, si Camille. May get together lang daw si Camille sa may Ortigas. Pagdating ko sa Ortigas, nakita ko ’yung kapatid ko. Hinila talaga nila ako, sabay-sabay sila, ‘Surprise!’

“Nandoon lahat ng kapatid ko. Nandoon lahat ng barkada ko — high school, Juanita Banana family, Happy Yipee Yehey family, Banana Split family, Binibining Pilipinas family — wala akong na-miss, grabe! Alam mo ’yung talagang surprised? “Sobrang girl ako, girl talaga,” detalyadong kuwento ni Bianca.

Ano na kaya ang totoong estado ng relasyon nila ni John ngayon?

“Kung anong meron kami, sana lang kung paano ako nagsimula, ganoon lang forever. Naniniwala ako na kung paano mo minamahal ang nanay mo, ganoon mo rin mamahalin ang babaeng mapapasaiyo. Alam naman niya kung paano ko na-appreciate itong panliligaw niyang ito. Masaya talaga ako bilang babae,” pagtatapat pa ni Bianca.                       Reports from JAMES C. CANTOS

Show comments