Nakalimutan ko nang ikuwento ang bonggang reaksiyon ng mga tao sa loob ng sinehan nang ipakita ang trailer ng Enteng ng Ina Mo, ang pelikula nina AiAi delas Alas at Vic Sotto na official entry sa 2011 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ipinakita ang trailer ng Enteng ng Ina Mo nang panoorin ko ang Won’t Last A day Without You sa Promenade Greenhills Theater noong Miyerkules.
Nasorpresa ako sa reaksiyon ng mga tao dahil aliw na aliw sila sa mga nakakatawang eksena nina Vic at AiAi. Trailer pa lang ’yon ha?
Kumbinsido ako na ang Panday 2 at ang Enteng ng Ina Mo ang magiging mahigpit na magkalaban sa pagsisimula ng MMFF sa Dec. 25 dahil magkasing-ganda ang kanilang mga trailer.
PPL nagpa-party ng bongga
Walang umuwing luhaan sa Christmas party ng PPL Entertainment, Inc. ni Perry Lansigan. Si Perry ang manager nina Dingdong Dantes, Wendell Ramos, Jolina Magdangal. Geoff Eigenmann, Gabby Eigenmann, Arthur Solinap, LJ Reyes, Carlo Gonzales, Carl Guevarra, Wilma Doesnt, at Rochelle Pangilinan.
Tiniyak ni Perry at ng kanyang mga talents na masisiyahan ang entertainment press sa mga pagkain at giveaways na inihanda nila sa bonggang Christmas party.
Maaga akong umuwi dahil inantok na ako. Hindi man ako nag-win sa raffle draw, mahigit pa sa major prize ang aking take home.
LT at Lucy bibigyan ng sariling presscon
May plano ang Imus Productions na magkaroon ng presscon para kina Lorna Tolentino at Congresswoman Lucy Torres.
Natuwa ng husto ang mga produ ng Panday 2 dahil pumayag sina LT at Lucy na mag-guest sa pelikula ni Sen. Bong Revilla, Jr. at bilang pagtanaw ng utang na loob, nagplano sila na magpatawag ng presscon para sa dalawang magagandang babae.
Binanggit nga pala ni Bong na gagawin niya ang Panday 3 sa 2013 dahil ang sequel ng Agimat ang kanyang filmfest entry sa susunod na taon.
Phil Younghusband proud na proud, nakipag-swap ng jERsey kay David Beckham
Ipinagmamalaki ni Phil Younghusband na pumayag si David Beckham na mag-swap sila ng mga jersey pagkatapos ng kanilang laban sa Rizal Stadium.
May reason para magmalaki si Phil dahil football icon si David at sikat na sikat ito sa buong mundo.
Dream come true para kay Phil na makilala nang personal at makalaban sa isang laro ang sikat na dyowa ni Victoria Adams, ang dating member ng Spice Girls.
Annabelle napabili ng gown na P95K!
Invited ako sa MVP Star Ball noong Huwebes pero hindi ako nagpunta dahil naka-oo ako sa Christmas party ng PPL.
Pumunta sa Christmas Ball ni Papa Manny Pangilinan ang aking mga talents na sina Lorna Tolentino, Tonton Gutierrez, at Jenny Miller.
Star-studded ang event dahil dumalo ang mga artista ng Kapatid Network. Nandun din ang mag-asawang Eddie Gutierrez at Annabelle Rama.
Hindi nakapagpagawa ng gown si Bisaya kaya napilitang bumili ng Josie Natori gown worth P95,000! Ganyan kamahal ang outfit ni Annabelle sa MVP Star Ball!