ABS-CBN waging-wagi sa Phil Quill Awards

MANILA, Philippines - Humataw ang ABS-CBN Corporation sa 2011 Philippine Quill Awards kung saan kinilala ang galing ng Kapamilya network sa larangan ng komunikasyon.

Apat na parangal ang inuwi ng ABS-CBN para sa DZMM TeleRadyo, DZMM Teaching Learning and Caring (TLC), Imortal Online, at e-Frequency intranet site para sa kanilang mga empleyado.

Ang ABS-CBN ang nag-uwi ng pinakamara­ming karangalan sa mga TV network. Apat na Philippine Quill Awards ang nakuha ng ABS-CBN, habang isa ang nasungkit ng TV5 at walang award na naiuwi ang GMA 7.

Kinilala rin ang husay ng DZMM TeleRadyo sa pagtamo nito ng mas maraming manonood, pagtaas ng kinita sa mga patalastas, at sa mas maraming cable operators na nagdadala ng kanilang cable TV channel sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Namayagpag ang ABS-CBN sa digital communications.

Panalo ang internal website na e-Frequency para sa mga empleyado. Sa pamamahala ng ABS-CBN Corporate Communications Division, ang employee intranet site na e-Frequency ay nakapagbigay ng balita at impormasyon tungkol sa kumpanya sa halos 5,000 empleyado ng ABS-CBN dito at abroad.

Wagi ang Imortal Online na likha ng ABS-CBN Digital Brand Management na siyang unang website na gumawa ng sariling webeserye.

Ang Philippine Quill Award ay ibinibigay ng International Association of Business Communicators Philippines. Noong nakaraang taon, pinakapinarangalan din ang ABS-CBN na humakot ng anim na awards kumpara sa dalawang nakuha ng GMA.

Show comments