Naging relasyon ni AiAi kay Robin, maka-mundo, mala-demon!

Isa ang nangyaring tikiman nila ni Robin Padilla sa naging paboritong paksa sa post-birthday celebration ni AiAi delas Alas kasama ang press nung Linggo ng tanghali.

“Huwag na niyang i-deny dahil totoong nangyari ito. Wala pa naman siyang asawa nun,” kuwento ng komedyante na kahit may sipon ay blooming at hindi dahil sa may lalaki siya ngayon. “Wala akong love life, zero. Flawless (beauty clinic) ang nagpapaganda sa akin ngayon. Ayan nga sila at in full force sa pagsuporta sa akin ngayon.”

Ipinapanood sa lahat ang trailer ng Enteng ng Ina Mo. Masaya ang pelikula, nagsisiksikan sa laki ng cast. Paanong hindi lalaki ay pinagsama ang cast ng Enteng Kabisote, Okay Ka Fairy Ko (sina Jose Manalo, Wally Bayola, Ruby Rodriguez, Oyo Sotto, Joey de Leon, Gwen Zamora, Aiza Seguerra), at Tanging Ina Mo na kung saan kasama ni AiAi ang mga gumanap na anak niya. Sabi nga niya, hindi na siya natatakot dahil katambal na niya si Vic Sotto na pinangingilagan niya sa nga nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF).

“Dati magkalaban kami, ngayon magkasama na kami. Okay na okay si Bossing. ’Yung crush ko sa kanya ay napalitan ng malaking paghanga,” sabi ni AiAi.

Nang tanungin kung nagtikiman din sila ni Bossing, sinabi niyang “Hindi na lang, baka malasin pa ang pelikula namin. Iba kami nun ni Robin, maka-mundo siya, mala-demon, pero wagas ang naramdaman namin sa isa’t isa. Pero nun ’yun, hindi na ngayon dahil may asawa na siya. Kami ni Bossing may dalawang kissing scenes na ginawang mas nakakatawa,” kuwento ni AiAi.

Hindi niya itinanggi ang balak niyang pagpasok sa pulitika.

“Hindi pa ngayon, sa 2016 pa. Sayang naman kung hindi ko magagamit ’yung pinag-aralan kong Public Administration and Governance. Malamang kung hindi mayor ay congressman ang tatakbuhin ko. Sinusunod ko ang payo ni Gov. Vilma Santos na ihanda ko munang mabuti ang sarili ko dahil hindi biro ang pagseserbisyo sa tao, kailangan kong isakripisyo ang pag-aartista ko. Kailangang ko munang ilagay sa ayos ang kabuhayan ko dahil sa pulitika ay hindi ako kikita ng singlaki nang kinikita ko sa showbiz,” sabi niya.

Ricky Lee sinuportahan ng malalaking artista

Ang ganda naman ng book launching ni Ricky Lee na nadaluhan ko. Huwag mong sabihin na napakalaki ng Skydome ng SM North EDSA pero nagawang punuin ang lugar ng mga kaibigan, kamag-anak, kasamahan sa trabaho, mga kapwa niya guro at mga estudyante niya. Aakalain mong pelikula ang pinipilahan ng napakaraming tao, pero pila ’yun ng mga interesadong makabili ng isinalib­rong pangalawang nobela niya na may pamagat na Si Amapola sa 65 na Kabanata, kuwento ng isang gay impersonator na bampira.

Mga kilalang artista at celebrity ang nagbasa ng mga excerpts sa libro. Tulad nina Paulo Avelino, Martin Escudero, Cherry Pie Picache, Martin del Rosario, Joel Lamangan, Judy Ann Santos, Ryan Agoncillo, at maging ang pangulo ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio.

Nagbigay naman ng entertainment numbers sina Dulce, ang banda ni Ely Buendia na Pupil, Jon Santos. Namataan ko naman sa audience ang mga direktor na sina Mac Alejandre, Jerry Lopez Sineneng, Mel Chionglo, Alessandra de Rossi, at bumati naman sa video sina Piolo Pascual, Direk Mac, Rory Quintos, Olive Lamasan, Nora Aunor, at Vilma Santos.

Nagsilbing host sa programa sina Eugene Domingo at AiAi delas Alas na nagbigay ng tension sa manonood dahil sa madalas na pagtataas nito ng kanyang pang-itaas na damit na parang mahuhulog na at iniluluwa na ang kanyang malulusog na dibdib.

Show comments