Pagkatapos ng shooting ng pelikulang ginagawa ni Judy Ann Santos para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) na My Househusband, Ikaw Na ay excited na ang aktres para sa bagong pelikula na kanyang gagawin. Makakasama ni Juday si Coco Martin para sa susunod niyang proyekto.
“Mga early next year namin siya gagawin kasi si Coco may ginagawa pa ring movie ngayon with Angeline (Quinto). Ang dami ko rin namang kailangang gawin for the movie as well dahil nga Metro Manila Film Festival entry siya,” pahayag ni Judy Ann.
Ayon sa aktres ay hinahangaan niya si Coco sa mga proyektong ginagawa nito. “Unang-una, hindi naman siguro ako tatanggap ng pelikula na si Coco ang partner ko kung hindi ko siya napapanood. At the same time kung hindi ako bilib sa talent pagdating sa pag-arte. Nakita ko kung gaano siya ka-seryoso sa craft niya. Nakikita ko sa kanya ’yung sarili ko noong nagsisimula ako, na sobra siyang dedicated sa bawat trabahong ginagawa niya. Nakakatuwa at nabibigyan siya ng tamang mga proyekto ng ABS-CBN,” paliwanag pa ni Juday.
Hindi pa man napag-uusapan nina Coco at Juday ang kanilang bagong proyekto ay mayroon namang mensahe ang aktres para kay Coco.
“I will see you very, very soon. Excited ako na makatrabaho ka kasi alam ko marami rin akong matututunan sa ’yo. I’m hoping na itong pelikulang gagawin natin ay magustuhan ng mga tao,” dagdag pa ni Juday.
Samantala, napi-pressure na ang aktres para sa pelikula nila ng asawang si Ryan Agoncillo dahil marami rin silang makakalaban na mga naglalakihang pelikula para sa MMFF.
“Siyempre kinakabahan, sa bawat entry naman naming binibigay sa MMFF andun ’yung kaba, hindi naman nawawala ’yun. Talaga namang napakagaganda at mahuhusay na pelikula ang kasama sa MMFF. We’re just hoping and praying na sana magustuhan ng mga tao itong ginawa namin kasi funny siya,” pagtatapos ni Juday.
Acting ni Sarah may lalim na!
Inamin ni Sarah Geronimo na malaki ang naitulong sa kanyang role sa pelikulang Won’t Last a Day Without You ang kanyang karanasan sa buhay pag-ibig noon. Isang disc jockey o DJ sa radyo ang role ng dalaga sa nasabing pelikula na nagbibigay ng mga payo sa mga usaping pag-ibig.
“Nakaka-relate ako sa character ko. Hindi naman po lingid sa inyong kaalaman ang aking pinagdaanan sa pag-ibig. Siyempre nakatulong din sa akin ’yung mga experiences ko in real life. Ang kaibahan namin ni DJ Heidi (character ni Sarah sa pelikula), ’yung kanyang personal experience sa love, mas malalim eh kasi ’yung relationship niya nagtagal ng five years, ’yung sa akin po ay one year lang. So okay lang naman, hindi ganun kabigat sa akin, kaya nakapag-move on rin ako agad,” pagtatapat ni Sarah.
“Nakatulong po ng malaki, mayroon na akong depth kahit paano as an actress. Alam ko marami pa akong kailangang matutunan kasi hindi naman ganon karami ’yung acting projects ko, mas singer po tayo. Mas nakilala tayo sa light na istorya or character ang nabibigay sa akin,” paliwanag pa ng Pop Princess.
Reports from JAMES C. CANTOS