MANILA, Philippines - Magpapatrol na simula ngayong Sabado (Nob 26) ang dalawa sa mga pinaka-respetadong broadcast journalists sa bansa na sina Pinky Webb at Alvin Elchico tuwing Sabado, 5:00 to 5:30 p.m at Linggo, 6:00 to 6:30 p.m. sa ABS-CBN.
Tuwing Sabado at Linggo, ihahatid nina Pinky at Alvin ang pinakasariwa at pinakamakabuluhang mga balita para sa buong pamilya sa TV Patrol Weekend.
Kasabay ng kanilang husay sa pag-uulat ng balita ay mga panibagong segment na tatawag ng pansin sa mga isyung maaaring nakakaligtaan ng gobyerno o lipunan, mahalagang impormasyon tungkol sa job openings at pagbabantay sa karapatan at kapakanan ng mga consumer.
Pangungunahan ni Pinky ang Kulang sa Pansin, na tututok sa mga pang-araw-araw na problema ni Juan na kadalasa’y hindi napagtutuunan ng pansin ng pamahalaan. Sa kanyang unang sabak, tutulungan ni Pinky ang isang biyudang walang anak at trabaho na makakuha ng kanyang senior citizen card at mamulat ang mga nasa informal sector ng kahalagahan ng paghahanda sa kinabukasan.
“Isang napakalaking hamon ang mag-ulat sa nangungunang primetime weekend newscast ng ABS-CBN,” ani Pinky, na napapanood din sa investigative program na XXX at sa pang-umagang news at talk program na Mornings @ ANC.
Sa kabilang dako, tuturuan naman ni Alvin ang publiko na maging mas matalino at mas aktibong mga mamimili, kasabay ng pagbabantay sa mga abusadong negosyante sa Tapat na Po.
Unang isisiwalat ni Alvin ang katotohanan sa likod ng nauusong group buying sites na nagbebenta ng mga diskuwentong produkto o serbisyo sa Internet na inirereklamo ngayon dahil sa diumano’y mapanlinlang nilang travel deals.
Ipakikilala rin ang segment na Applyan Mo kung saan ihahain ang mga iba’t ibang trabahong maaring pasukin dito at sa labas ng bansa mula sa talaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ipapakita naman sa Miss Ko ‘To ang mga magagandang travel destination at masasarap na pagkain mula sa iba’t ibang lugar sa bansa mula sa Choose Philippines website ng ABS-CBN Regional Network Group.
Si Alvin naman ay isang batikang business at consumer news reporter at kasalukuyang anchor sa Konsyumer Atbp at SRO sa DZMM at co-anchor sa medical current affairs program ng ABS-CBN na Salamat Dok.