MANILA, Philippines - Nobyembre pa lamang ay abala na ang mga Pinoy sa pamimili ng mga pangregalo sa Pasko. Alam n’yo bang karamihan sa kanila’y mas trip na sadyain ang mga tiangge sa Metro Manila?
Sa GMA News TV programang Life and Style With Gandang Ricky Reyes prodyus ng ScriptoVision ngayong Sabado alas-diyes ng umaga’y mga usapang-tiyangge ang itatampok.
May tiyangge-hopping tayo na ipakikita ang maraming pagkain, kasangkapan, at gift items.
May pahayag din ang ibang mamimili kung bakit sa mga tiangge sila ngayon dumarayo para maka-iwas sa problema sa trapik, parking at mahabang pila sa mga mall cashier at mga mandurukot at snatcher sa Divisoria at Quiapo.
Sa totoo lang, may mga items sa mga tiyangge na mas mura pa kaysa mga itinitinda sa mga higanteng mall. Puwede ka pa ngang tumawad sa mga ito.
Hindi lang sa Kapaskuhan umuusbong ang mga tiyangge. Tuwing Sabado’t Linggo ay makikita mo sila sa buong taon.
Kaya naman ang mga tiyanggero’y nag-iisip ng mga gimik para mas kumita.
May interbyu rin si Mader Ricky kay Kenichi Enda, marketing manager ng Red Cricket na nagpapa-franchise ng iba-ibang pagkain at nagbebenta ng food carts. “Sa maliit na puhuna’y maganda ang kita rito basta masipag ka at maabilidad,” sabi ng ginoo.
At totoo ito dahil ang mga Pinoy ay mahilig kumain ng siomai, bibingka, puto bungbong, sio pao, hotdog, popcorn, corn in the cob, cookies, gulama’t sago, buko pandan, at fruit juice.