Richard magho-host ng Manny Many Prizes

MANILA, Philippines - Ibang Richard Gutierrez naman ang mapapanood ngayong Sabado sa isang espesyal na episode ng Kapuso game show na Manny Many Prizes.

Muling ipapamalas ni Richard ang husay sa hosting sa pagtatanghal na ito ng MMP na mapapanood ng live mula sa San Miguel by the Bay, SM Mall of Asia ngayong Sabado pagkatapos ng 24 Oras Weekend.

Abangan ang isasagawang paunang selebrasyon ng show sa katatapos lamang na pagkapanalo ng main host nitong si Manny Pacquiao laban kay Juan Manuel Marquez.

Kasama ang mga resident co-hosts na sina Paolo Contis, Rhian Ramos, Gladys Guevarra, Pekto, Onyok Velasco, at Moymoy Palaboy, pangungunahan ni Richard ang pamimigay ng mga malalaking papremyo sa mga lucky winners, gayundin sa mga masu­gid na tagapanood ng programa.

Tampok din ang mga Survivor Philippines castaways, top 6 contestants ng Protégé at ang Miss World 2011 First Princess na si Gwendoline Ruias.

Mga super-parloristang Pinoy tampok sa Life and Style

Sa Life And Style With Gandang Ricky Reyes ngayong Sabado ng umaga sa GMA News TV, itatampok ang blow by blow na pangyayari sa katatapos na APHCA Hair Olympics na ginanap sa Venetian Hotel Convention Center sa Macau.

Madugo ang naging iskedyul ng 43 miyembro ng delegasyong Pinoy na parlorista sa loob ng apat na araw ng paligsahan (November 7 – November 10) na ang mga kalahok ay tulad nilang magagaling mula sa Hong Kong, China, Taipei, Sri Lanka, Australia, Korea, Japan, Mongolia, Malaysia, Bangladesh, Macau at Indonesia.

Dumalo rin sa opening si Hon. Renato Villapando, Consul General ng RP sa Macau at matapos ang bigayan ng parangal sa siyam na kababayang nagwagi’y naghandog ng isang victory dinner sa kanyang tanggapan.

Ang mga katangi-tanging nag-uwi ng tropeo sa kani-kanilang kategorya ay sina Federico Ilagan (first runner up bridal make up), Christopher Penaflor at Giovanni Luage (honorable mention bridal make up), Ester Garcia (honorable mention evening hairstyle), Diosdado at Racquel Pangilagan (honorable mention evening party make up), Geronimo Rovedillo (ladies hair cut and blow), Nitz Clidoro (honorable mention mens hair cut) at Vicente Jason Hisola (creative color).

Walang pagsidlan ng kaligayahan si Mader Ricky sa tagumpay ng 15th APHCA event na siya ang founder at incumbent president. Ang susunod na paligsaha’y sa Korea gaganapin.

Panlilimas ni yaya sa gamit ni mam at sir, bubusisiin

Pamilya kung ituring ng mga Pilipino ang mga kasambahay ngunit ito pa rin kaya ang turing mo sa kanila kung pagnanakaw ang isusukli nila sa ibinigay mong tiwala?

Tututukan ni Ted Failon ngayong Sabado (Nov 19) sa Failon Ngayon ang mga kaso ng panlilimas ng gamit na dulot ng mga kasambahay.

Ilalahad ng mag-asawang Susan at Fernan, at photographer na si Ena Terol kung paano sila nalinlang at nalagasan ng mga kagamitang higit P100,000 ang halaga ng mismong kasambahay nila sa oras na sila ay wala sa bahay o nahihimbing sa pagkakatulog.

Bago iyan, samahan muna sina Karen Davila, Anthony Taberna, at Atty. Pochoy Labog pati na ang mga basketball players ng koponang Talk ’N Text sa sisimulan nilang pagbabago sa Brgy. Escopa III sa Project 4, Quezon City.

Dahilan sa kahirapan, nalululong sa boksing ang mga kaba­taan sa barangay. Maayos naman ang kanilang boxing tournament tuwing piyesta ngunit nakokompromiso nito ang kaligtasan ng mga bata pati na ang kanilang pag-aaral.

Sa pagpupursige ng 16 taong gulang na Patroller ng Pagba­bago na si Shaira Carual, tutulungan ng programa ang kanyang mga ka-barangay.

Ang Ako ang Simula ay pinakabagong public service show ng ABS-CBN na naglalayong simulan ang pangmatagalang pagbabago sa mga komunidad. Kasalukuyang namang nasa ikalawang taon na ang Failon Ngayon.

Huwag palalampasin ang back-to-back  ng Ako ang Simula, 4:00 p.m. at Failon Ngayon, 5: p.m. ngayong Sabado (Nov 19) sa ABS-CBN.

Show comments