MANILA, Philippines - Pipirma ng movie contract sa Viva Films anytime si Judy Ann Santos.
Hindi lang daw nagsa-sakto ang schedule ng kampo ni Judy Ann at ng manager niyang si Tito Alfie Lorenzo at ang kampo ni Mr. Vic del Rosario, ang bossing ng Viva.
Para raw sa dalawang pelikula ang pipirmahan ng aktres na abala ngayon sa programa niyang Junior Master Chef na mataas ang rating sa ABS-CBN.
Anyway, matapos ang ilang linggong pagpapakitang gilas sa kusina, handa nang sumabak sa mas pinatinding labanan ang nalalabing 12 batang kusinero ng hino-host na programa ni Juday.
Pasok sa Super 12 ang siyam na taong gulang na si Bianca, isa sa pinakabatang contestants ng programa.
Naaaliw naman ang mga manonood sa masayahing si Philip ng Cebu tuwing siya’y sumasayaw kapag pinupuri ng host na si Judy Ann at mga huradong sina Ferns, Lau, at Jayps ang kanyang putahe.
At dahil iba-iba ang pinagmulan ng mga batang kusinero, iba-iba rin ang nakasanayan nilang lutuin. Sa kaso ni Iain, nae-enjoy ng kanyang pamilya ang Italian cuisine, kaya naman Italian food din ang hilig niyang lutuin.
Hindi rin kataka-takang nasanay sa pagluluto ng Japanese food ang Filipino-Japanese na si Mika.
Gusto namang kumuha ni Tricia ng Business Management para makatulong sa negosyo ng kanyang pamilya.
Nariyan din si Patrick na kahit na nangangarap na maging doktor paglaki niya ay gusto pa ring mag-aral ng culinary arts balang araw.
Beef broccoli naman ang unang nilutong putahe ni Miko noong siya’y walong taong gulang pa lamang.
Hindi naman malilimutan ni Emman ang karanasan niya noong siya’y anim na taong gulang pa lang.
May kanya-kanyang pamamaraan ang mga bata para matutong maghanda ng pagkain. Gawain ni Jobim na makiusyuso sa kusina ng iba’t ibang restaurant na kinakainan nila ng kanyang pamilya upang panoorin ang mga kusinero.
Kakaiba rin ang istilo sa pagluluto ng labing-isang taong gulang na si Kyle. Sanay siya sa Ouido style, o ang pagluluto base sa itsura at lasa ng pagkain nang hindi gumagamit ng panukat ng mga sangkap.
Si Acee naman, tagahanga ng Junior MasterChef Australia at ng grand winner nitong si Isabella.
Kahit mahiyain, napabilib ni Caitlin ang mga hurado sa kumpetisyon ng kanyang mga espesyal na putahe, gaya na lang ng rice in ampalaya silog na nakakuha ng pinakamataas na puntos sa kanilang silog challenge.
Tutukan nga natin ang tumitinding bakbakan sa kusina ng Super 12. Ngayong Sabado (Nob 19), kailangan na namang pabilibin ng mga batang kusinero ang mga hurado sa pamamagitan ng pag-iimbento ng sarili nilang mga putaheng gawa sa shellfish.
Actually, may mga nakatikim na ng luto nila, at in fairness, sarap na sarap sila.
Wish ko lang na matuto rin akong magluto kahit hindi na ako bata.
Love notes ni Joe D’ mango, magbabalik sa DZMM
Balik radio at telebisyon ang sikat na DJ love guru na sumikat noong late 1980s dahil sa kanyang radio show na patok na patok sa mga tagapakinig, lalo na ang may mga problema sa pag-ibig.
Simula Martes (Nob 22), magbibigay-inspirasyon si Joe D’ Mango dalawang beses sa isang linggo sa handog niyang playlist ng klasikong love songs at mga payong makabuluhan sa Joe D’ Mango’s Love Notes sa DZMM Radyo Patrol 630, ang numero unong AM radio station sa Mega Manila.
At hindi lang sa radio siya mapapakinggan, kung hindi mapapanood din ito sa cable television sa buong bansa pati na rin sa abroad sa pamamagitan ng DZMM TeleRadyo, ang nangungunang radyo-sa-telebisyon na TV station sa bansa. Mapapakinggan din ito sa live audio streaming sa dzmm.com.ph.
Eere ang Joe D’ Mango’s Love Notes tuwing Martes at Miyerkules mula 12:00 midnight hanggang 4:00 a.m. Bukod sa pagsangguni sa letter senders na may suliranin sa pag-ibig, hatid din ni Joe ang bagong segments na tiyak na aaliw sa mga tagapakinig at manonood.
Nagsimula si Joe sa AM radio, ngunit higit na nakilala nang maging DJ sa FM na nagbibigay payo sa mga tagapakinig. Ayon kay Joe, kaya ng mga tao na mag-isip para sa kanyang sarili kaya hindi siya magdidikta kung ano ang dapat nilang gawin.
Sa bago niyang programa sa DZMM, maaaring magbahagi ang mga manonood at tagapakinig ng kanilang pananaw sa pag-ibig sa Echoes of Our Hearts at ng mga kasabihan ukol sa pag-ibig sa Love Quotes.
Maaari ring bumati at mag-dedicate ng mga awitin sa Ito ang Tawag ng Pag-ibig.