Nanay na actress ipinama-manage ang anak sa iba!

MANILA, Philippines - Ipinakikiusap ng nanay na actress sa isang manager na i-handle ang kanyang anak.

Yes, hindi na raw happy ang nanay na actress sa takbo ng career ng kanyang anak.

Ang siste, nag-iisip pa ang nilapitang manager kung tatanggapin niya ang anak ng aktres dahil nagsimula na ito sa maling direksiyon ng career.

Ang pakiramdam daw ng manager, baka mahirapan siyang baguhin ang takbo ng career ng anak ng actress.

Hintayin natin kung mag-iiba ng manager ang actress na hindi namana ang karisma ng nanay na aktres.

Wala naman pala itong (young actress) contract sa kasaluku­yang nagha-handle ng career nito.

So anytime puwede itong lumipat sa ibang management.

Eat Bulaga super box office sa Singapore

Lumikha ng box office record ang Eat Bulaga Dabarkads in Singapore last October 30 sa D’Marquee Mall, Downtown East na pinangunahan nina Tito, Vic at Joey kasama ang mga iba pang hosts ng longest running noontime show.

Jampacked ang buong venue ng halos 3,000 na ikinamangha ng management at technical staff na nagtatrabaho roon. Marami pa ang hindi nakapanood ng show dahil sold out na ang tickets ilang araw bago ang palabas.

Bago ang show, pinainit muna ni Philip Lazaro ang buong crowd ng gimik niyang Jump Brother. Higit pang uminit ang buong venue nang bumulaga na sa stage ang nagseseksihang EB Babes. Tuminding lalo ang kasabikan ng tao nang isa-isa nang maglabasan ang Dabarkads na pinangunahan nina Anjo Yllana, Allan K, Ruby Rodriguez, Jimmy Santos, Jose Manalo, Wally Bayola, Julia Clarete, Pauleen Luna, Pia Guanio, Ryan Agoncillo, Iza Calzado, at Paolo Ballesteros.

Halos sumabog ang teatro sa sigawan at pa­lak­­pakan nang lumabas na sa stage sina Tito, Vic and Joey habang kinakanta ang Hagibis song na Legs kasama ang EB Babes. Kinulang talaga ang mga security para pigilan ang taong magsuguran sa stage.

Kumustahan, chikahan at tawanan muna ang ginawa nina Tito, Vic and Joey sa mga tao at maya-maya ay nagpatalbugan ng kasabihan sina Allan at Wally na sinamahan din ni Jose. Matapos ang masayang chikahang ‘yon, nagpakitang-gilas naman sa kanta’t pagpapatawa ang comic duo nina Jose at Wally. Bentang-benta sa tao ang kanilang dialect jokes lalo na ang musical interpretation nila ng Anak.

Sinundan sila ng dance medley ng EB girls nina Ruby, Pauleen, Pia, Iza at Julia. Naloka ang lahat nang lumabas sa stage si Paolo bilang si Shamcey Tsup Tsup Happy Birthday Bossing Mwah Mwah na suot ang pulang gown at may sash ng Miss Philippines. Gandang-ganda ang lahat sa byuti ni Paolo lalo na nang ipamalas na niya ang paggaya niya sa Tsunami Walk ng 3rd runner up sa katatapos na Miss Universe 2011.

Siyempre pa, nagkaroon din ng Pinoy Henyo sa mga napiling audience kung saan ang crowd ang sumagot ng, “Oo!” “Hindi!” at “Puwede!” sa tanong. Binigyan ng EB Jacket, T-shirt, at SOS ang nanalo sa Pinoy Henyo. Bilang dagdag na sorpresa, dalawang audience ang nagwagi ng EB coffeetable book – isang employee ng airline company at isang four-month-old baby na youngest audience sa crowd ang nanalo.

Pagkatapos ay bumanat na ng tough hits sina TVJ at ang Tagalog-English version ng Bahay Kubo ang kanilang binanatan. Isinali nila sa number si Jimmy na kuwelang-kuwela ang ibinigay na English translation ng kundol at kamatis.

Binigyan-buhay naman muli ni Allan ang spoof version niya ng Miss Universe 2011. Sinundan ito ng Pinoy rock medley nina Jose, Wally at Julia na sinabayan ng pagkanta ng mga tao.

Sa pagkatapos ng show, ipinarinig ni Tito ang kantang Disco Fever habang si Vic naman ay kinanta ang hit song na Ipagpatawad Mo na halos ikinahimatay ng mga kababaihan at si Joey naman ay ang Rock Baby Rock na sinamahan ng buong Dabarkads.

Show comments