Aakalain mo na sa kasikatang inaabot niya ngayon at sa napakaraming parangal na tinatanggap niya, huwag nang banggitin pa ang hindi matutuos na perang sumasayad sa kanyang mga kamay, magiging madali na para kay Coco Martin na pag-artistahin din ang kanyang limang kapatid para may makatulong siya sa pagtataguyod sa kanyang pamilya. Pero ayaw niya. Sa halip, pinagtutuunan ang lima niyang kapatid sa kanilang pag-aaral para kapag nakatapos sila ay magkaroon din sila ng magandang trabaho.
“Magandang career ang pag-aartista pero ayaw kong danasin nila ’yung pinagdaanan ko bago ko narating ang kinalalagyan ko ngayon,” panimula ng aktor na finally ay na-conquer ang kanyang takot sa press.
Isang basong red wine lang at nawala na ang pagiging mahiyain ng aktor.
Ano ang reaksiyon niya sa pangyayaring itinuturing siyang next male superstar o sa tunay na score sa kanila ni Angeline Quinto na leading lady niya sa ginagawa niyang pelikulang You Light Up My Life. Paano kasi dalawang beses niya itong binigyan ng kuwintas.
“Magkaibigan lang kami sa isang pelikula. Ngayon lang ako gumawa ng isang love story at in love ako sa pelikula namin. Pero hindi kami ni Angeline, hindi rin kami MU. ’Yung kuwintas ay pag-good luck ko sa kanya, walang ibig sabihin ’yun,” paliwanag ng aktor.
Bukod sa pelikula, meron din siyang bagong serye sa Dos, ang Walang Hanggan kapareha si Julia Montes. May agam-agam nga siya dahil hindi niya alam kung paano niya pakikitunguhan ang mga malalaking artista na kasama sa serye tulad nina Susan Roces, Helen Gamboa, Richard Gomez, Dawn Zulueta, at Rita Avila. ’Yung mga bagets na tulad nina Joem Bascon, Paulo Avelino, at Melissa Ricks ay hindi niya pinoproblema.
Solenn game mag-all the way
Paano tatalunin ng kanyang mga kalaban si Solenn Heussaff kung ganyang bukod sa nagtataglay siya ng mga katangiang taglay nila na ganda ng mukha at katawan eh payag siyang mag-all the way! Ewan ko lang kung paano mapapalabas na classy at hindi bastos ang pag-o-all the way niya at hindi ito ikahihiya ng mga magulang niya.
Maria Aragon ’di rin na-perfect ang Lupang Hinirang
Hindi naman pala kinakailangang perfect at maganda mong makanta ang Pambansang Awit ng Pilipinas para mapasaya ang National Historical Institute (NHI).
Hindi perfect ’yung rendition ni Maria Aragon ng Lupang Hinirang, lumalabas ’yung kanyang twang na Canadian pero I’m sure nasiyahan ang NHI dahil wala siyang binagong tono sa kanta o nilagyan ito ng sarili niyang istilo. Talagang kinanta lang niya as is.