Shocking ang mga nabalitaan ko tungkol sa isang kilalang showbiz personality. Hindi ko akalain na nagpapanggap lamang siya na mabait dahil ito ang projection niya sa mga fans at mga kasamahan sa trabaho.
Iba pala ang ugali niya kapag wala sa harap ng TV camera dahil mapangmata siya at nang-aapi ng kapwa.
Sa true lang, na-turn off ako sa kanya. Nakaka-deceive talaga ang hitsura ng mga tao.
Gloria Arroyo hinang-hina ang hitsura, dapat payagang mag-abroad
Parang ako ang nahirapan nang mapanood ko sa TV ang kalagayan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo habang pinagkakaguluhan siya ng media sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Martes ng gabi.
Kung ako ang tatanungin, dapat payagan si Mama Glo na umalis ng Pilipinas at magpagamot sa ibang bansa. Naniniwala ako na babalik siya dahil bumalik nga sa Pilipinas ang Marcos family at si Sen. Ping Lacson, si Mama Glo pa kaya eh nandito ang kanyang mga anak at apo?
Hindi naman ginusto ni Mama Glo na magkasakit siya. Kung hindi naman siya nagkaroon ng karamdaman, hindi siya pupunta sa ibang bansa para magpagamot.
Kitang-kita sa hitsura ni Mama Glo na may dinaramdam siya dahil malaki ang kanyang ipinayat. Parang hinang-hina rin siya, kahit nakaupo lamang siya sa wheelchair. Sa totoo lang, naawa ako sa kalagayan niya. Hindi na nga niya natapos ang kanyang mga sinasabi dahil nanghihina siya.
Mikey Frustrated
Matagal ko nang hindi nakakausap si Congressman Mikey Arroyo at nalalaman ko lang ang mga nangyayari sa kanyang pamilya dahil sa mga napapanood natin sa TV at nababasa sa mga diyaryo.
Si Papa Mikey ang kasama ni Mama Glo nang sumakay ito sa ambulansiya para pumunta sa NAIA.
I’m sure, na-frustrate rin si Mikey sa naudlot na pagbiyahe ng kanyang mga magulang. Isa si Mikey sa mga type ko na makatsikahan dahil marami kaming pag-uusapan pero hindi ko knows ang kanyang bagong contact number.
Menor de edad ‘di protektado sa mga news programs
Sunud-sunod ang mga big news na natatabunan ng mga mas malalaki at kontrobersiyal na balita.
Two weeks ago, ang pagpatay kay Ramgen Revilla ang biggest news sa Pilipinas. Maraming tao ang nasangkot sa pagpatay sa kanya at hanggang ngayon, iniimbestigahan pa rin ang kaso.
Ang kontrobersiyal na tagumpay ni Manny Pacquiao sa laban nito kay Juan Manuel Marquez ang tumabon sa Ramgen murder case at kumbaga sa beauty contest, naging second runner-up ito.
Mainit na mainit na pinag-uusapan ang resulta ng laban nina Marquez at Pacquiao pero natabunan naman ito ng plano na pag-alis sa Pilipinas ni Mama Glo at Papa Mike.
Parehong mga newsmakers sina Mama Glo at Manny dahil laman din sila ng mga international news. Isali na natin si Ramona Bautista na headline rin sa mga diyaryo sa ibang bansa dahil sa pagkakasangkot ng kanyang name sa pagpatay sa kapatid na si Ramgen.
Nakakaloka ang ibang news programs dahil pinapatulan nila ang lahat ng mga tweet at Facebook shouts ng mga kapatid nina Ramona, Ramgen, at RJ.
Nakakaloka dahil pati ang mga tweet ng isang menor de edad, ibinabalita nila. Imbes na bigyan ng proteksiyon, inilalantad pa nila sa TV ang name ng isang bata na hindi nararapat dahil minor nga siya.