MANILA, Philippines - Huli sa camera na namimingot at nang-aamba ng palo sa kanyang estudyante ang inirereklamong guro sa San Luis Elementary School sa Antipolo, Rizal.
Naaktuhan ni Pinky Webb na nananakit ang guro base na rin sa nauna nang idinulog sa kanya ng mga magulang ng mga bata. Hinaing nila, sobra na ang naturang guro dahil sa kanyang pagmumura, pamamalo, at pangungurot sa mga batang mag-aaral.
Ano ang naghihintay sa guro lalo pa’t huli na siya sa akto sa kanyag pagmamaldita? Ano ang gagawin ng paaralan sa kanya?
Hinirang na Best Public Service Program sa katatapos lang na 20th KBP Golden Dove Awards, ang XXX ay nakapagsiwalat na ng maraming katiwalian sa lipunan. Ilan sa mga pinakapinag-usapang isyu sa bansa ay dahil sa exposé ng programa tulad ng lolang walang awang kinulong at minamaltrato sa loob ng kulungan ng aso at ang paglabas-masok ni dating Batangas Governor Antonio Leviste. Ang dalawang naturang expose ay parehong nominado para sa Outstanding Crime/Investigative Program category sa nalalapit na Golden Screen Awards For TV. Nominado rin ang programa para sa Best Public Service Program maging anchors nito para sa Best Public Service Program Host sa gaganaping Star Awards For TV.
Tutukan ang buong kuwento ni Pinky ngayong Lunes (Nov. 14) sa XXX, kasama rin sina Anthony Taberna at Julius Babao, pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN. Mapapanood din ito sa DZMM TeleRadyo sa parehong araw sa ganap na 9:15 p.m.
Bangayan ng castaways simula na
Simula na ngayong Lunes (Nov. 14) ang pinakaaabangang pagbababalik ng Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown na hitik na hitik sa drama, punung-puno ng matitinding eksena, at sinasabing pinakadelikadong season sa lahat - ang Survivor Philippines.
In ang mga doble ngayon sa telebisyon dahil sa pares-pares ang tampok na mga castaways sa Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown na mapapanood na pagkatapos ng Munting Heredera sa GMA Telebabad block.
Pagalingan, pautakan, at pabilisan ang sampung pares na humarap sa hamon na iwan ang kanilang masarap na buhay sa siyudad at mamuhay sa isla ng San Vicente, Palawan sa loob ng 36 na araw.
Sa pagbabalik ng Survivor Philippines sa primetime, nagbabalik din ang host at Kapuso primetime actor na si Richard Gutierrez na saksi at parte rin sa maraming hirap ng lahat ng naging bahagi ng Survivor Philippines.