Genelyn walang utang na loob!

Maling-mali ang pralala ni Genelyn Magsaysay na nangangampanya na si Sen. Bong Revilla, Jr. para sa susunod na eleksiyon. Pinagtatawanan lang ng mga tao ang kanyang sinabi na ginagamit sa publicity ang mga anak niya.

Genelyn, hindi kailangan ni Bong ng ganyang klase ng publicity. Ikaw lang ang nagsasabi niyan dala ng galit mo dahil hindi nito inawat ang Parañaque Police na imbitahan ang anak mo na si Ramon Joseph “RJ” Bautista.

Lumalabas na walang utang na loob si Genelyn kay Bong, sa kabila ng mga ginawa nito para sa mga kapatid sa ama. Sino ba ang unang sumaklolo nang mapatay si Ramgen? Si Bong! Sino ba ang nag-assist kay Ramona nang unang magbigay ito ng statement sa mga pulis? Si Bong! Sino ba ang gabi-gabing nasa burol at nag-alok ng kalahating milyong piso na pabuya sa makapagtuturo sa pumatay kay Ramgen? Si Bong!

Imbes na magpasala­mat, sinisiraan pa ngayon ni Genelyn ang kapatid ng kanyang mga anak na nagmamalasakit sa pamilya niya.

Kesa awayin si Bong, bakit hindi maki-cooperate si Genelyn sa imbestigasyon ng kaso? Kung talagang gusto niyang malutas ang kaso ng pagpatay kay Ramgen, pauwiin niya si Ramona mula sa Turkey at kung may respeto sa kanya ang anak, uuwi ito para matapos na ang mga problema.

Sa pang-aaway na ginagawa ni Genelyn kay Bong, inililihis niya ang isyu. Imbes na makapag-concentrate sa murder case ni Ramgen, nagsanga-sanga na ang mga balita. Washing dirty linens in public ang kanyang ginagawa dahil mismong siya ang nag-umpisa sa kuwento na pinababayaan sila ng Revilla family.

Sa totoo lang, dapat ipa-realize kay Genelyn na siya ang gumagamit sa pagiging senador ni Bong.

Gusto ni Genelyn na pigilan ni Bong ang imbitas­yon ng mga pulis sa kanyang anak na si RJ pero hindi pumayag si Bong dahil may respeto siya sa batas. Sino ngayon ang nagte-take advantage sa posisyon?

Nalilimutan yata ni Genelyn na kapatid lamang si Bong na tumutulong. Puwedeng hindi makialam si Bong dahil nandiyan siya na ina ng mga bata pero dahil mahal ni Bong ang kanyang mga kapatid ay tumutulong siya.

Naiintindihan natin na emosyonal si Genelyn sa mga panahon na ito dahil nawalan na siya ng anak, mga suspek pa sina Ramona at RJ pero dahil sa mga drama at kanyang paninira, dinaragdagan niya ang problema.

May mga emote si Genelyn na pinababayaan ang kanyang mga anak. Pagpapabaya ba ’yung nag-aaral sa international school ang mga bata, nakatira sa malaking bahay at may mga ginagamit na kotse?

Hindi na sinagot ni Bong ang mga sinabi ni Genelyn sa presscon nito noong Linggo kaya ako na ang nagkusa na sumagot, in defense of Bong.

Kung sasagot pa ang senador-aktor, hindi na matatapos ang isyu at baka sabihin pa ni Genelyn na kababaeng tao niya, pinapatulan siya ng isang lalaki.

Ipinagtatanggol ko si Bong, hindi dahil ako ang kanyang manager. Idinedepensa ko siya dahil hindi na tama ang mga ginagawa at sinasabi ni Genelyn na parang nag-e-enjoy na sa pagpapainterbyu sa media.

Show comments