Ramona nagdulot ng malaking pait at lagim sa mga Revilla
Nagpatawag si Sen. Bong Revilla, Jr. ng presscon noong Sabado ng gabi habang nasa presscon ako ng Glamorosa sa Meralco Theater.
Binasa ni Bong ang official statement niya tungkol sa pag-alis sa Pilipinas ng kanyang half-sister na si Ramona Bautista.
Gusto kong i-share sa mga dear readers ng PSN ang kabuuan ng official statement para maintindihan ng mga tao ang posisyon ng Revilla family tungkol sa kaso na araw-araw ay may bagong twist:
“Patuloy ang paghingi natin ng katarungan sa pagkamatay ng kapatid naming si Ramgen at muntik nang pagkamatay ni Janelle Manahan.
“Ang resulta ng imbestigasyon ng Parañaque police na nagsasangkot sa krimen sa dalawa ko pang kapatid sa ama na sina RJ at Ramona Bautista ay hindi magiging dahilan para magbago ang aking paninindigan sa paghingi ng hustisya.
“We are dismayed over the reported departure of Ramona to Hong Kong while the investigation is still ongoing. At the very least, she owes not only our family but an entire nation, appalled by a gruesome crime that has been committed, a clear explanation as to why she fled the country. We are also caught by surprise on the sudden change of statements of Ramona, particularly on her prior statement that she was kidnapped by the killers of Ramgen.
“Matindi ang idinulot na dalamhati, pait at lagim ng pagkamatay ni Ramgen sa aming pamilya. Ito ay lalo pang pinalubha ng pagkakadawit ngayon ng dalawa kong kapatid sa ama sa krimeng ito. Ngunit ipinapangako ko na ang sakit na dinaranas ng aming pamilya ay hindi magiging hadlang o sagabal sa agarang paglutas ng kasong ito, at paghahanap nating lahat ng hustisya.
“Ako ay inihalal ng taumbayan bilang senador ng Republika at hindi senador ng pamilya kaya kailanman ay walang dahilan para mag-atubili ang PNP sa kanilang isinasagawang imbestigasyon. Walang kabuluhan ang aking pagiging senador kung hindi ako makakapagpakita ng tamang halimbawa bilang isang responsableng mamamayan at miyembro ng pamilyang naghahangad ng katotohanan at katarungan.
“Kaya nga sa unang pagkakataon pa lamang na itinuro ng testigo si RJ ay hindi natin hinadlangan ang mga pulis nang ito ay kanilang isailalim sa kanilang custody. Ang hindi ko pagpigil sa PNP na arestuhin si RJ ay nagresulta ng matinding galit sa akin ng kanyang ina na si Genelyn subalit ako’y naninindigan na walang dapat pumigil sa isinasagawang imbestigasyon ng pulis.
“Kung ang pag-iimbestiga sa kaso ng pagpatay kay Ramgen ay magtatapos sa pagkamit ng katarungan kahit sino pang tamaan, malugod itong tatanggapin ng aming pamilya. Sa ngayon, nanawagan ako kay Genelyn bilang ina, na pabalikin sa bansa sa lalong madaling panahon si Ramona at harapin ang imbestigasyon ng pulisya.
“Nalulungkot tayo sa mga development sa kasong ito subalit hindi ito magpapahina sa atin para maghangad ng katarungan sa pagkamatay ni Ramgen at malubhang pagkasugat ni Janelle.
“Sa bahagi ng PNP, ako ay nananawagan sa inyo na gawin n’yo ang nararapat gawin ayon sa inyong mandato bilang alagad ng batas. Walang sino man ang puwedeng humadlang sa proseso ng batas.
“I am making an appeal to the Department of Foreign Affairs to exert legal and diplomatic efforts, and to the PNP to coordinate with the Interpol, to bring Ramona back to the country and face our justice system.
“Hangad natin na magkaroon ng agarang solusyon ang kasong ito upang mabigyan ng katarungan ang pagpatay kay Ramgen at tangkang pagpatay kay Janelle.”
Glamorosa mag-uumpisa na
Sosyal na sosyal ang presscon ng Glamorosa sa 14th floor ng Meralco Theater at masarap ang food kaya hindi ako masyadong nainip sa paghihintay sa cast na tinipon muna sa Linden Suites.
Sinabihan si Lorna Tolentino na sabay-sabay na pupunta sa Meralco Theater ang buong cast ng Glamorosa kaya 5 p.m. pa lang nasa Linden Suites na siya.
Pero maaga man siya sa meeting place, halos 8 p.m. na nang dumating ang Glamorosa stars sa Meralco Theater dahil overacting ang trapik noong Sabado, bunga ng malakas na ulan.
Ngayong gabi ang pilot telecast ng Glamorosa sa TV5 at siyempre, panonoorin ko ito. Worried nga ako dahil baka ma-hook ako sa panonood ng teleserye ni LT at ito ang maging umpisa ng aking gabi-gabing pagpupuyat, gaya ng nangyari nang subaybayan ko ang Minsan Lang Kita Iibigin.
- Latest