MANILA, Philippines - Nagbabalik muli sa telebisyon ang numero unong horror program noong 90s, ang Regal Shocker noong panahong aktibo pa sa telebisyon ang Regal Television. Ilang taon ding namayani ang RS at nagmarka sa isipan ng manonood ang opening credits kung saan ang taga-intro ng episode ay ang imahe ni Kamatayan!
Sa pakikipagtulungan ng TV5 at ni Roselle Monteverde, muling binuhay ang thriller program na updated at mas binonggahan ang special effects. Milyong piso ang ginagastos sa bawat episode na sisimulan ngayong Sabado, Nobyembre 5 na ang pilot episode ay Elevator.
Pagbibidahan ng original Regal Baby na si Gabby Concepcion ang episode na tungkol sa pagmumulto ng iniwan niyang girlfriend na ginampanan ni Niña Jose. Dahil sa kabiguan, nagpakamatay si Niña sa loob ng elevator at doon na nagsimula ang pananakot niya kay Gabby sa ospital kung saan nakaratay ang anak niyang maysakit na ginampanan ni CJ de Guzman. Tinaguriang killer elevator din ang nasa ospital dahil bawat taong sumakay roon ay may hiwagang nangyayari.
Sa direksyon ni Topel Lee, dobleng kilabot, takot at lagim ang hatid ng Regal Shocker sa pagbabalik nito.