MANILA, Philippines - Patuloy na tumataas at mas lalong nagiging mapangahas ang paggawa ng mga krimen na nababalitaan natin araw-araw.
Sa pagbubusisi ni Ted Failon ngayong Sabado (Nov 5) sa Failon Ngayon, mayroon nang 193,753 na naitalang krimen sa bansa mula Enero hanggang Setyembre ng taong ito pa lamang. Kabilang na rito ang 6,519 na kaso ng murder, 2,601 na kaso ng homicide, 3,726 na kaso ng rape, at halos 69,000 na pinagsamang kaso ng pagnanakaw at panghoholdap.
Kaya naman ganoon na lang karami rin ang bilang ng kaso na hindi pa nabibigyan ng hustisya at kasabay nito ay ang pagbaba ng kumpiyansa ng mga mamamayan sa alagad ng batas.
Isa na rito ang pamilya Malabanan na hindi na naniniwala sa mga awtoridad. Bukod sa diumano’y walang ginawa ang mga pulis nang masaksihan nila ang walang abog na pagpaslang sa kanilang amang si Romeo, wala pa rin daw linaw ang kaso gayung walong taon na ang nakalilipas simula ng nangyari ito.
Bakit nga ba ganun-ganun na lang kadali ang pumatay o gumawa ng anumang krimen ngayon?
Kasalukuyang nasa ikalawang taon na ang Failon Ngayon ng paghihimay ng pinakasariwang mga isyu at pagbibigay aksyon at solusyon sa mga kasong tinalakay na nito sa programa.
Anyway, bakit nga ba parang ang kaswal na lang ng paggawa ng mga krimen sa ating bansa?
May magagawa kaya dito ang ating pamahalaan?
At hindi lang matatanda ang involved sa krimen maging ang mga bata rin ay hindi na nangingiming gumawa ng krimen sa bansa.
Hindi naman nila puwedeng iturong napapanood lang sa TV o sa pelikula.
Laos na ang mga patayan sa pelikula. Hindi na uso. Ang mga palabas naman sa TV ay bantay-sarado ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Amaya kinilala ng mga gumagawa ng alahas
Ang top-rating epicserye na Amaya ng GMA 7 at ang Public Affairs documentary special na Philippine Treasures ay kinilala kamakailan ng Meycauayan Jewelry Industry Association, Inc., isang organisasyon na binubuo ng 135 jewellers sa Meycauayan, Bulacan, para sa promosyon o pag-aangat ng yaman at galing ng bansa sa paglikha ng sariling alahas.
Bukod sa Filipino customs and traditions, ang serye na pinangungunahan ni Marian Rivera ay nagtatampok din ng native Filipino costumes at mga burloloy na inihalintulad pa sa pre-colonial era. Karamihan sa mga ginamit na alahas, palamuti, at borloloy ay gawa ng mga jewellers sa Meycauayan.
Ang Philippine Treasures naman na isang documentary special ay nagtampok sa kayamanan ng Pilipinas pagdating sa mga priceless artifacts.
“Recognitions like this inspire us to make our programs not only more appealing to our audience but also more educational while at the same time entertaining,” saad ni Cheryl Ching-Sy, senior program manager, na tumanggap ng plaque para sa Amaya.
“We are thankful to the Meycauayan Jewelry Industry Association for making us the first entertainment program to be awarded by their organization.”
Si Mel Tiangco na host ng Philippine Treasures ang tumanggap ng recognition para sa kanilang programa.
“Isa sa mga mithiin ng programang Philippine Treasures ang palaganapin ang appreciation ng sambayanan sa mga yaman ng ating bansa,” sabi ni Mel.
Ang Philippine Treasures ay ipinalabas noong Sept. 11 sa Sunday Night Box Office (SNBO) ng GMA 7 at ang Amaya ay gabi-gabing napapanood pagkatapos ng 24 Oras.
Angelica Jones bubuntutan ng Follow That...!
Susundan ng Follow That Star ng GMA News TV ngayong Sabado si Angelica Jones.
Ipakikita sa programa kung paano nagtatrabaho si Angelica bilang board member.
Sa kanyang tahanan, ipapakita rin niya ang mga naipundar at nabili niya simula nang pumasok siya sa industriya 10 taon na ang nakaraan.
Pag-usapan din kaya sa programa ang isyu sa kanila ni Illac Diaz?