Sen. Ramon isinugod sa hospital, hindi maganda ang pakiramdam

Dumalaw ako sa burol ni Ram Revilla noong Lunes sa Angelus Eternal Gardens, Imus Cavite.

Mabilis ang biyahe ko mula Quezon City hanggang Cavite dahil walang trapik sa kalsada. Nag-uwian na kasi ang mga bakasyonista noong Sabado sa kanilang mga probinsiya para samantalahin ang long weekend.

Pinatay si Ram noong Biyernes ng gabi pero Lunes pa lang, hawak na ng mga pulis ang mga suspect.

I am very sure, ikinaloka n’yo rin ang twist sa murder case ni Ram dahil ang kapatid niya ang pinagbibintangan na mastermind.

Masyado nang marami ang nadadamay sa kaso ng pagpatay kay Ram. Isang masusi na imbestigasyon ang kailangan para maiwasan na masangkot ang mga tao na inosente o walang kinalaman.

May lumitaw na self-confessed hired killer at nagturo nang nagturo ng mga tao na may kinalaman daw sa pagpaslang kay Ram.

Lumitaw ba ang self-confessed hard killer dahil binabagabag siya ng kanyang konsensiya o interesado lamang siya sa kalahating milyong piso na pabuya?

Naka-confine ngayon sa ospital si Senator Ramon Revilla, Sr. dahil nilagnat siya noong isang gabi at hindi maganda ang kanyang pakiramdam.

Bilang ama, hindi maiaalis kay Mang Ramon ang masaktan dahil sa nangyari sa kanyang anak. Tiyak na dinidibdib at iniisip ni Mang Ramon ang trahedya na dumating sa kanyang pamilya.

Ipagdasal natin ang maagang paggaling ni Mang Ramon.

Mahirap din ang pinagdaraanan ni Genelyn Mag­say­say, ang ina nina Ram at RJ. Masakit para sa isang ina ang mawalan ng anak at lalong masakit na pinagbibintangan ang kanyang anak sa pagpatay sa sariling kapatid.

Hindi nagpapabaya sa kanilang mga kapatid sa ama si Bong at ang mga kapatid nito. Sila ang nag-provide ng abogado para kay RJ at sila rin ang nag-aasikaso sa burol ni Ram na ililibing ngayong tanghali sa Angelus Eternal Gardens.

Isa pang kapatid dawit sa pagpatay kay Ram

Maghapon akong nakatutok kahapon sa TV dahil naghintay ako ng mga bagong development sa kaso ng pagpatay kay Ram.

Ikinaloka ko ang balita na idinaramay na rin sa kaso ang kapatid na babae nina Ram at RJ.

Parang lumalaki ang isyu dahil nadaragdagan ang mga isinasangkot sa brutal na pagpatay kay Ram.

Hindi ba puwede na tapusin muna ang imbestigasyon bago magbigay ng statement para maiwasan ang sari-saring haka-haka?

Kawawa ang mga walang-malay na idinadawit sa kaso. Baka ito pa ang maging dahilan ng pagkasira ng kanilang kinabukasan.

Show comments