MANILA, Philippines - Patuloy ang pamamayagpag ng DZMM Radyo Patrol Sais Trenta at DZMM TeleRadyo dahil bukod sa pangunguna sa ratings, humakot din ang mga ito ng 23 parangal mula sa mga pinakarespetadong award-giving bodies sa bansa.
Muling nanaig ang DZMM bilang numero unong AM radio station sa buong Metro Manila na tinututukan buong araw sa lahat ng time blocks base sa Nielsen Radio Audience Measurement (RAM). Nakakuha ito ng average audience share na 43.10 percent noong Agosto, malayo sa pinagsamang ratings ng DZBB (26.40%) at DZRH (13.40%).
Sa Mega Manila naman, nanguna rin ang DZMM sa nasabing buwan nang magtala ng audience share na 44.60 percent laban sa 29.30% ng DZBB at 11.60 % ng DZRH.
Samantala, patuloy din ang pag-arangkada ng DZMM TeleRadyo o SkyCable channel 26. Ayon sa Kantar Media, naitala ng DZMM TeleRadyo ang pinakamataas nitong viewership sa nakamit na 0.73 percent na kabuuang national rating, ang pinakamataas na nakuha nito mula sa pagkakatatag nito noong 2007.
Sunud-sunod din ang pagkilala sa mga programa ng DZMM sa idinaos na 33rd Catholic Mass Media Awards (CMMA) at 20th Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) Golden Dove Awards.
Iginawad ng KBP sa DZMM ang prestihiyosong Best AM Radio Station sa Metro Manila.
Wagi rin ang mga kinikilalang anchors nito gaya nina Kabayan Noli De Castro bilang Best Radio Newscaster, si Usec. Zeny Maglaya bilang Best Radio Public Service Program Host, at si Vic De Leon Lima bilang Best Radio Public Affairs Program Host.
Nakuha naman ni Winnie Cordero ang parangal na Best Radio Magazine Program Host at ni Louie Tabing ang Best Radio Science & Technology Program Journalist.
Pinarangalan din ng KBP ang Dos Por Dos na Best Radio Public Affairs Program, ang Radyo Patrol Balita Alas-Dose na Best Radio Newscast sa Metro Manila, at Maalaala Mo Kaya sa DZMM na Best Radio Drama Program.
Panalo rin ang Todo-todo Walang Preno bilang Best Radio Magazine Program, Sports Talk bilang Best Radio Sports Program, Trabaho, Panalo Best Radio Public Service Program at ang Pinoy Pride 6: Sound Effects para sa Best Radio Station Promotional Material.
Hindi rin nagpatalo ang DZMM sa CMMA dahil nagkamit ito ng dalawang Hall of Fame, tatlong major awards, apat na special citations at isang major award sa TV category para sa DZMM TeleRadyo.
Naluklok sa CMMA Hall of Fame ang Radyo Patrol Balita Alas-Siyete bilang Best News Radio Program at Maalaala Mo Kaya sa DZMM bilang Best Radio Drama dahil sa tatlong beses na pagwawagi sa kani-kanilang mga kategorya.
Pinagkalooban namang Best Counseling Program ang Dr. Love Radio Show, Best News Commentary ang Tambalang Failon at Webb, at Best Radio News Program ang Radyo Patrol Balita Alas-Dose.
Nakatanggap din ng Special Citation ang Usapang Kapatid bilang Best Counseling Program, Dr. Love Music bilang Best Entertainment Program, at SikaPinoy bilang Best Business News or Business Feature.
Para naman sa TV category, nasungkit ng DZMM Halalan 2010: Ang Bayan Naman ng DZMM TeleRadyo ang gantimpalang Best Special Event Coverage. Binigyan din ng special citation para sa Best News Magazine ang Patrol ng Pilipino na umeere sa Current Affairs block nito.