Nag-iba na Jinkee hindi umiiyak

Kamakailan ay muling napabalitang may bago na namang babae ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. Naglabasan din ang mga kontrobersiyal na larawan kung saan ay makikitang kasama ni Manny ang isang bata at isang babae. May mga nagsabing anak ni Manny ang bata sa babaeng kasama rin sa nasabing larawan.

Ayon sa isang ulat sa Internet ay kuha ang mga larawan sa binyag ng bata noong September at nag-ninong lamang si Manny sa nasabing okasyon.

Napag-alaman na isang nagngangalang Kat Ordoñez ang ina ng bata at agad niyang pinabulaanan ang kumalat na balita. Nasa Dubai ang tunay na ama ng kanyang anak at malapit lamang talaga sila kay Manny.

Naging makahulugan din ang mga pahayag kamakailan na binitiwan ni Jinkee Pacquiao tungkol sa isyung kinasasangkutan ng kanyang asawa. “Suwerte ko, I’m the original and not the other woman. I will deal with him after the fight,” statement ni Jinkee na lumabas sa isang website.

Samantala, nagbigay ng reaksiyon ang isa sa mga pinakamalapit na kaibigan ni Jinkee hinggil sa isyu, si Dr. Vicki Belo.

“Unang nagsabi sa akin si Jinkee, may naririnig na raw siya. ’Tapos ayaw niyang maniwala lang sa ganung tsismis. Of course alam niya talaga na si Manny laging lapitin ng babae. Sabi niya, ang gusto niya ay manalo si Manny. Hindi niya guguluhin si Manny. Wala siyang itatanong, magiging supportive wife lang siya.

“Hindi umiiyak si Jinkee, iba na siya ngayon. She’s much stronger woman as we say. She’s fearless ’di ba? And she really is, parang nagtatampo lang siya ng konti. Nagpapa-hard to get ng konti pero that’s all,” pagtatapat ni Dr. Vicki.

Meron ding mensaheng ibinigay ang doktora para kay Manny. “Remember who loved you from the very beginning. Remember who’s been with you all your life, when you were poor, naghirap with you, and you have four kids. Alam mo mahirap kasi ang daming babaeng naghahabol kay Manny kahit paano ay kawawa naman si Jinkee,” seryosong pahayag ni Dr. Belo.

Nagbigay na rin ng pahayag si Lito Camo na kilalang malapit na kaibigan ni Manny tungkol sa isyung kinasasangkutan ng kaibigan. Isa rin siya sa mga ninong ng bata sa naganap na binyagan.

“Actually, nagulat din ako sa mga nangyari pero siyempre lahat naman ’yan ay sabi-sabi at wala namang katotohanan. Nag-attend kami ng binyag at nag-ninong ako. Inimbita ako bilang ninong,” pahayag ni Lito.

Pinabulaanan din ng singer-composer na ang kanyang boksingerong kaibigan ang tunay na ama ng bata lalo pa’t may kuha si Manny na kalong ang bata. “Hindi naman, kasi pare-pareho naman kaming ninong eh. Tsaka ’yung nilabas na picture na kalong ni Manny ’yung bata eh lahat kami may picture na ganun,” paglilinaw ni Lito.

Ayon pa sa kanya ay girlfriend si Kat ng isa sa mga kaibigan ni Manny.

Nakiusap naman ang babaeng na-link kay Manny ay ina ng bata na si Kat sa lahat na tigilan na ang malisyosong balitang nag-uugnay sa kanila ni Manny.

Suportahan na lamang ang boxer at maging considerate sana ang lahat sa damdamin ng ibang tao.  — Reports from JAMES C. CANTOS

Show comments