Inihayag na ng Philippine Movie Press Club (PMPC) ang official nominees ng 25th Star Awards for TV.
Mula sa mga shows na ipinalabas sa telebisyon mula sa June 30, 2010 hanggang July 1, 2011 nirebisa at dumaan sa masusing deliberasyon ng PMPC screeners ang mga nanguna sa listahan ng nominasyon.
Ngayong taong ito, iluluklok sa Hall of Fame ang drama anthology na Maalaala Mo Kaya at showbiz-oriented talk show host na si Boy Abunda dahil sa kanilang 15 beses na pagkakapanalo ng award.
Noong isang taon ay iniluklok din sa Hall of Fame ang variety show na Eat Bulaga.
Ipagkakaloob ang Ading Fernando Lifetime Achievement Award kay Susan Roces at ang excellence in broadcasting lifetime achievement award kay Jessica Soho.
Gaganapin ang awards night sa Resorts World Manila sa Nov. 22, 6 p.m. Mula ito sa Airtime Production at sa direksiyon ni Al Quinn.
Mapapanood ito sa Kapamilya Sunday’s Best sa ABS-CBN sa Nov. 27.
Manok ni Imelda pinanghinayangan
Hindi lamang panghihinayang ang nadarama ng marami sa maagang pagkaka-eliminate ni Rosalyn Navarro, ang protégé ni Imelda Papin sa talent search na kasalukuyang isinasagawa ng GMA 7 na may kapareho ring pamagat. Bago tuluyang umuwi ng Bikol ang magandang 16 na taong gulang na loser ng Protégé, isinama ito ng kanyang mentor sa ilang mga shows nito at walang hindi nagtanong sa kanya kung bakit siya na-eliminate.
Hinayang na hinayang sila dahil sa bukod sa talagang may boses na dalagita ay maganda ring bata. Marami nga ang nag-suggest na mag-artista na lang siya.
Pinagkaguluhan siya sa Antipolo nang mag-show si Imelda. Nagulat nga ang mga tagaroon dahil hindi nila akalain na eliminated na pala si Rosalyn. Paano, nakikita pa nilang madalas ito sa mga trailers ng Protégé at sinasabi ni Louie Ocampo na magkikita pa sila.
Kumanta rin siya sa 25th wedding anniversary ng mag-asawang negosyante na sina Nemesio at Josephine Sy na ginanap sa clubhouse ng Acropolis. Ang matagumpay na negosyante ay friends ng maraming taga-showbiz kung kaya maraming artista ang nakipagsaya sa kanilang silver anniversary, kasama sina Susan Roces na kasama ang kanyang bunsong kapatid na lalaki, dalawang anak na babae ni Renzo Cruz at ang anak ni Sheryl Cruz na si Ashley. Dumating din si Shirley Fuentes, Sharmaine Santiago at Joseph Marco.
Jose at Wally pantay ang TF hanggang sa sentimo
Isa ako sa mga tagahanga ng duo nina Jose Manalo at Wally Bayola. Bilib ako sa kanila dahil bukod sa nagpapatawa na sila ay marami pa rin silang mga talento na nagpapaiba sa kanila sa maraming komedyante. Tulad ng pagkanta.
Maraming komedyante ang tulad nila ay multi-talented din pero iba sila, kaya nga alaga sila ng Eat Bulaga at maging ng Zirkoh comedy bar na kung saan ay regular performer sila at humahakot ng maraming manonood.
’Yung bago nilang palabas sa TV5, bida na sila dahil nasa title na ang mga pangalan nila. At kahit ipinagmamalaki nila ang pagtitiwalang ibinibigay sa kanila ng Kapatid Network, malaki ang pasasalamat nila kay Bossing Vic Sotto sa suporta nito.
Isang nakatutuwang kaalaman na nakuha ng lahat sa pakikipag-usap sa dalawa ay ang pagkakapareho nila ng TF, mula sa piso hanggang sa sentimo. Kapag mas may humigit sa kanila sa TF tinatanggihan nila. Kailangang pantay lang.
Inamin din ni Wally na nagbabakla-baklaan lamang siya dahil ito ang hinihingi ng pagkakataon. Pero lalaki siya. Lalaking-lalaki!