Kahit hindi na magkasama sa teleserye sina Gerald Anderson at Kim Chiu ay parehas naman na naging matagumpay ang mga proyekto ng dalawa. Parehong namamayagpag sa primetime bida ang seryeng Budoy ni Gerald at My Binondo Girl ni Kim.
Natutuwa ang young actress sa naging takbo ng career ng ex-love team ngayon.
“Masaya ako para sa kanya dahil meron siyang bagong teleserye at sobrang successful niya ngayon sa movie and meron pang pangalawang movie.
“Masaya ako for him and dahil sa itinatakbo ng career namin. Hindi naman kami nagtatapatan sa isa’t isa, nagtutulungan naman kami,” pahayag ni Kim.
Hindi na nalulungkot ang young actress na hindi na sila muling nagkasama ng dating ka-love team sa mga proyekto dahil natural lamang na magkaroon sila ng kanya-kanyang ginagawa.
“Part din ito ng growth ng pagiging artista namin. Hindi naman sa tagal namin sa pagiging artista, kami lang dalawa ang magkasama, pero para iba naman and kita naman natin na successful siya so congratulations sa kanya,” dagdag pa ni Kim.
Maayos na muli ang kanilang relasyon mula nang magkahiwalay sila noon kaya madalas na rin silang nagkakausap sa ngayon.
“Hindi namin pinag-uusapan ang career and work kapag magkausap kami eh. Normally nag-uusap kami kung anong nangyayari sa mga buhay-buhay namin. Nag-uusap kami about Budoy,” pagtatapat ng dalaga.
Samantala, nagbigay ng update si Kim tungkol sa kalagayan ng isa niyang leading man na si Jolo Revilla. Napabalitang ilang beses naospital si Jolo dahil sa kanyang kalagayan kaya pansamantala siyang nawala sa nasabing serye.
“’Yun nga sa migraine niya, kinamusta namin and okay naman daw siya. Nagpapagaling siya sa ngayon kaya wala muna siya sa taping. Pagaling siya and huwag siyang ma-stress masyado and huwag mag-isip ng kung anu-ano para gumaling siya kaagad,” pagtatapos ni Kim.
Annabelle tinalakan ang kaaway ni ruffa
Matunog na naman ang pangalan ni Ruffa Gutierrez dahil sa isyung kinasasangkutan ngayon ng magkasintahang sina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao. May bulung-bulungan na magkahiwalay na ang lovers at isa raw si Ruffa sa sinasabing dahilan ng pag-aaway ng dalawa.
Sa birthday celebration ni Annabelle Rama noong isang gabi ay nagbigay siya ng pahayag tungkol sa isyung kinasasangkutan ng kanyang anak.
“Sana ’yung mga naiinggit kay Ruffa, tumahimik na kayo, huwag na kayong ma-insecure. Iba na ’yung matangkad at matalino,” makahulugang pahayag ni Annabelle.
Mamayang hapon ay mapapanood sa The Buzz ang kumpleto at eksklusibo naming panayam kina John Lloyd and Shaina tungkol sa kanilang mga pinagdadaanan ngayon. –– Reports from JAMES C. CANTOS