PIK: Halos araw-araw ngayon ang taping ng Glamorosa dahil sa nag-reshoot sila ng mga eksenang kasali na si Gloria Diaz.
Si Gloria ang ipinalit kay Celeste Legaspi na pinapagpahinga muna ng doktor pagkatapos nitong magkasakit.
Pero nangako naman ang mga taga-Glamorosa na isasali pa rin nila si Celeste pero ibang role na ang gagampanan nito at hindi na gaanong mahirap ang mga gagawin nito sa taping.
Sa Nov. 7 na magsisimula ang Glamorosa ni Lorna Tolentino kaya kailangang matapos na nila ang taping ng first two weeks ng naturang drama series.
PAK: Medyo napikon si Robin Padilla sa sinabing inatras nito ang entry niyang Mr. Wong sa Metro Manila Film Festival.
Ibinigay na lang daw niya ang kanyang slot sa entry ni Gov. ER Ejercito na Asiong Salonga dahil nalaman niyang matagal na itong tapos, samantalang hindi pa nagsisimula ang shooting ng kanyang Mr. Wong.
Kung hindi siya umatras, ano ang tawag dun sa ’di niya pagkatuloy ng kanyang pelikula?
Tanggap naman namin ang rason niyang ibinigay niya ito sa isang kaibigan. Pero kahit nagbigay ka, umatras ka pa rin.
BOOM: Karamihan sa mga malalapit na kaibigan ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Baretto ay naniniwalang matutuloy din sa hiwalayan ang gulong hinaharap nila ngayon.
Nakikita nila noon pa na talagang may problema ang mag-asawa na madalas ay isinisisi nila kay Claudine.
Ang sabi nga ng ilan, kung totoo mang nasaktan ni Raymart si Claudine, hindi na sila magtataka dahil talagang mauubusan ka raw ng pasensiya sa ipinapakitang ugali ng aktres.
Hindi lang nila alam kung ano talaga ang problema ng aktres.