MANILA, Philippines -Ang pelikula nina Paulo Avelino, Rocco Nacino, at Jean Garcia na Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ay nanalo ng bronze award sa Bogota International Film Festival noong Oct. 18 sa Columbia.
Ang panibagong karangalang ito para sa isang independent Pinoy film ay dapat na ipagkapuri ng Pilipinas dahil nasa 180 films mula sa iba’t ibang bansa ang nag-participate sa nasabing international filmfest.
Ganoon na lang ang kasiyahan ng direktor ng pelikulang si Alvin Yapan at producer na si Alemberg Ang dahil nagbunga rin ang kanilang mga paghihirap.
“Sa wakas, nakasungkit din!” tuwang-tuwang sabi ni Direk Alvin, sa obra niyang nanalo rin ng best music at Best Cinematography awards sa nakaraang Cinemalaya 2011.
Ang gold award ay nakuha ng The Woman of Ivan ng bansang Chile, samantalang ang silver award ay nakamit ng Shelter ng Bulgaria.
Isa pang nilahukang international filmfest ng Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa last week ay ang Hawaii International Film Festival na napuno ang ikalawang screening ng pelikula dahil sa word-of-mouth.
“Karamihan sa mga nanood ay mga local ng Hawaii at ’di lang Pinoy,” kuwento ng producer na si Ang na naroon.
“In fact, mas maraming foreigners ang nanood kesa sa mga Pinoy. Grabe ang mga tanong nila. Very supportive sila sa pagkakaroon ng commercial release ng pelikula sa US movie and TV.”
Dagdag pa ng producer na puring-puri ng mga nakapanood ang acting ni Jean. Gustung-gusto rin nila ang chemistry nina Paulo at Rocco. Nagulat sila nang malaman nilang walang professional dancing background ang mga artistang nasa cast.
“They loved the subtlety ng gayness. Ang kaibahan nito sa ibang films from the Philippines, sophisticated ito at hindi lang puro kahirapan o kasamaan ang ipinapakita. Nakita nila ang richness ng art scene sa bansa,” sabi pa ni Ang.
Graded “A” by the Cinema Evaluation Board, ang Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa (pelikulang tungkol sa gay romance, dance, and poetry) ay mapapanood na ngayong Oct. 26 (Miyerkules) sa major SM cinemas at iba pang mga sinehan.