MANILA, Philippines - Tatlumpu’t isang tropeo ang hinakot na parangal ng ABS-CBN Corporation sa katatapos lamang na 33 rd Catholic Mass Media Awards (CMMA) – 13 pagkilala sa TV, pito sa radyo, apat sa musika, 1 sa pelikula, dalawa sa advertising at apat na Hall of Fame awards.
Pasok sa CMMA Hall of Fame ang TV Patrol bilang Best News TV Program, Rated K bilang Best Magazine TV Program, Radyo Patrol Balita Alas-Siyete bilang Best News Radio Program at Maalaala Mo Kaya sa DZMM bilang Best Radio Drama. Natamo ng mga nasabing programa ang parangal dahil sa tatlong beses na pagwawagi sa kani-kanilang mga kategorya.
“Tatlong taon nang pinararangalan ng CMMA ang TV Patrol at Radyo Patrol Balita Alas-Siyete. Ngunit kahit nasa Hall of Fame na kami, patuloy pa rin po ang pagpapaganda ng ating mga programa para sa bayan at sa Diyos,” pahayag ni Ted Failon sa isang panayam sa TV Patrol matapos ang awarding ceremony.
Limang major awards at tatlong special citations sa TV categories ang nakamit ng ABS-CBN kabilang ang Best Children and Youth Program para sa Wansapanataym, Best Drama Series/Program para sa Maalaala Mo Kaya, Best Station ID para sa Ngayong Pasko, Magniningning ang Pilipino, Best TV Special para sa Cheche Lazaro Presents, at Best Special Event Coverage sa TV Patrol. Wagi rin ang Us Girls ng Studio 23 bilang Best Entertainment Program.
Ginawaran naman ng special citation para sa Best News Magazine ang Patrol ng Pilipino, Best TV Special ang Liwanag sa Dilim, at Best Children and Youth Program ang Good Vibes.
Tagumpay din maging ang ABS-CBN Regional Network Group (RNG) sa mga natanggap nitong special citations sa TV categories kabilang ang MagTV Na Atin’ To! ng ABS-CBN TV3 Baguio bilang Best Adult Educational/Cultural Program, MagTV Na Sadya Ta! ng ABS-CBN TV 4 Davao bilang Best Entertainment Program, at TV Patrol Iloilo Una sa Balita ng ABS CBN Iloilo bilang Best News Program.
Samantala, namayagpag ang DZMM sa CMMA sa pagkamit nito ng dalawang Hall of Fame, tatlong major awards, tatlong special citations at isang major award sa TV category para sa DZMM TeleRadyo.
Nanalo bilang Best Counseling Program ang Dr. Love Radio Show, Best News Commentary ang Tambalang Failon at Webb, at Best Radio News Program ang Radyo Patrol Balita Alas-Dose.
Iginawad naman ang mga Special Citation para sa Usapang Kapatid bilang Best Counseling Program, Dr. Love Music bilang Best Entertainment Program, at SikaPinoy bilang Best Business News or Business Feature. Wagi naman ng major award sa TV category ang DZMM TeleRadyo para sa DZMM Halalan 2010: Ang Bayan Naman bilang Best Special Event Coverage.
Panalo rin bilang Best Radio Drama ang Dear Jasmin ng Tambayan 101.9 – ang tanging FM show na nakipagtagisan laban sa mga AM programs .
Nag-uwi rin ng CMMA ang Star Cinema at Star Records. Kinilala bilang Students’ Choice Award for Best Picture ang Sa ‘Yo Lamang samantalang Best Inspirational Album ang Inspirations, Best Music Video ang Handog ng Pilipino sa Mundo, Best Inspirational Song ang Sa ‘Yo Lamang ni Jamie Rivera kasama ang The Hail Mary the Queen Children’s Choir, at Best Secular Song ang Patuloy ang Pangarap ni Angeline Quinto.
Nagtamo rin ng tagumpay ang ABS-CBN maging sa advertising categories sa pagkamit ng Creative Communications Management ng dalawang Best TV ad awards para sa Ang Laban ng Buhay at Sobre.